Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere Kabanata 42: Mag-asawang De Espadaña

   


  Malungkot sa bahay ni Kapitan Tiago sapagkat may sakit si Maria. Pinag-uusapan ng magpinsang Tiya Isabel at Kapitan Tiago kung alin ang mabuting bigyan ng limos, ang krus sa Tunasan na lumaalaki, o ang krus sa Matahong na nagpapawis. Nais malaman ni Tiago kung alin sa dalawang ito ang higit na mapaghimala. Napagdesisyonan na parehong bigyan ng limos ang dalawang ito upang gumaling kaagad ang karamdaman ni Maria. Natigil ang pag-uusap ng magpinsan nang mayroong tumigil sa harap ng bahay. Ang dumating ay sina Dr. Tiburcio de Espadaña, na inaanak ng kamag-anak ni Padre Damaso at tanging kalihim ng lahat ng ministro sa Espanya.

  Inaasahan ni Tiago ang mga dumating na panauhin. Pagkatapos na maipakilala ni Victorina si Linares, sinamahan sila ni Tiago sa kani-kanilang silid.

  Sa biglang tingin, aakalain na si Donya Victorina ay isang Orofea. Siya ay isang ginang na may edad na 45, pero ipinamamalitang siya ay 32 taong gulang lamang. Noong bata at dalaga pa siya ay kapani-paniwalang maganda ito. Kaya, hindi siya nagpasilo sa mga lalaking Pilipino at ang pinangarap niyang mapangasawa ay isang dayuhan. Isa siyang social climber at ibig na mapabilang sa mataas na antas ng lipunan. Ngunit, ang bitag na inihanda niya ay walang nasilo. Nalagay siya sa pangangailangan na kailangang makapangasawa siya ng dayuhan. Napilitan siyang masiyahan sa isang maralitang Kastila na taga-Espanya, itinaboy ng bayang Extremadura at ipinadpad ng kapalaran sa Pilipinas. Ang kastilang ito ay Tiburcio de Espanada na may 35 taong gulang,ngunit mukha pang matanda kay Donya Victorina.

  Nakarating siya sa Pilipinas sakay ng barkong Salvadora. Sa barko dumanas siya ng katakot-takot na pagkahilo at nabalian pa ng paa. Nahihiya na siyang magbalik sa Espanya kayal ipinasya na niyang manatili sa Pilipinas. Eksaktong 15 araw siya sa bansa nang matanggap siya sa trabaho dahil sa tulong ng mga kababayang Kastila. Sapagkat hindi naman siya nag-aral pinayuhan siya ng mga kababayan na humanap ng magandang kapalaran sa mga lalawigan at magpanggap na isang Mediko na ang tanging puhunan ay ang pagiging Kastila. Ayaw sana niyang sumunod dahil nahihiya siya, pero dahil sa gipit na gipit at wala siyang mapagpipilian kundi ang sumunod sa payo.

  Siya ay dating nagtatrabaho sa pagamutan ng San Carlos bilang tagapagbaga ng mga painitan at tagapaspas ng alikabok sa mga mesa at upuan pero wala talagang kaalam-alam sa panggagamot. Sa una ay mababa lamang ang kanyang singil. Nang lumaon ay tumaas ng tumaas ito kaya sinamantala niya ng husto ang pagtitiwala ng mga Indio. Dahil dito, umaasa siya na tuloy-tuloy na ang kaniyang pagyaman. Ngunit, nagsumbong ang mga tunay na Mediko sa Protomediko de Manila na siya ay pekeng doktor. Nawalan na siya ng pasyente. Babalik na sana siya sa pamamalimos sa mga kakilala’t kababayan subalit napangasawa nga niya si Donya Victorina.

  Pagka-kasal, lumipat sila sa Santa Ana at dito idinaos ang kanilang pulut-gata. Ilang araw ang nagtagal ay bumili ng aranya at karomata si Donya Victorina at matutuling kabayo mula sa Albay at Batangas para sa magamit nilang mag-asawa. Binihisan din niya ng husto ang asawa para magmukhang kagalang-galang. Ang Donya ay nagsimulang maging Ilusyunada bilang isang Orofea. Nagpusod-Espanyola at naglagay ng mga palamuti sa katawan. Ilang buwan ang lumipas, ipinamalita niyang siya ay naglilihi at sa Espanya manganganak sapagkat ayaw niyang tatawaging rebolusyunario ang kaniyang anak. Ang kaniyang pangalan ay dinagdag din ng de, kayat nakalimbag sa mga tarheta nito ang Donya Victorina de los Reyes de Espadaña.

  Dumaan ang tatlong buwan, ang inaasahang pagbubuntis ng Donya ay naunsiyami kaya't wala siyang magawa kundi ang manatili sa “Lupaing ito ng mga Salvaje.” Ang ginawa niya ay nagpatingin sa mga hilot at manggagamot, ngunit wala ring nangyari. Hindi siya nagkaanak.

  Dahil siguro sa nadisperada ang Donya sa hindi pagkakaroon ng anak, naibunton niya ang kaniyang ngitngit sa asawa. Parang maamong kordero ang Don, kahit na ano ang gawin ng Donya ay hindi ito nakakarinigan ng reklamo. Kapag nagagalit ang Donya, nilalabnot niya ang pustiso ng asawa at kung minsan nama’y hindi niya ipinapahintulutan itong lumabas ng bahay.

  Isang araw, naisip ng Donya na ang asawa ay dapat na maglagay ng titulong Medicina at Cirugia. Tumutol ang Don sapagakat pamemeke na naman ang gagawin niyang panggagamot. Ngunit, wala siyang magawa at sumunod na lamang sa Donya. Tunay na amini’t hindi, siya ay Ander de Saya.

  Nagpaukit sa marmol ang Donya ng karatulang may nakasulat na:Dr. DE ESPADAÑA, ESPESYALISTA SA LAHAT NG URI NG SAKIT at ito ay ikinabit sa kaniyang bahay.

  Naisip din ng Donya na kumuha ng tagapangasiwang Kastila sa kaniyang mga ari-arian sapagkat hindi niya pinagkakatiwalaan ang mga Pilipino. Ipinaon naman ng Don ang pamangking si Linares na nag-aaral ng Abogasya sa gastos na rin ng Donya.

  Samantala habang sila ay nagmimiryenda ay dumating si Padre Salvi. Dati ng kakilala ng mag-asawa ang pari, kaya si Linares na lamang ang kanilang ipinakilala. Kaagad na sinabakan na ni Donya Victorina ang pamimintas sa mga taga-lalawigan at pinangalandakan na kaututang dila nila ang Alkalde at ang iba pang nasa mataas na poder ang estado.

  Subalit namangha ang Donya nang sabihin ni Tiago na kadadalaw lamang ng Kapitan-Heneral sa kanilang tahanan. Halos hindi makapaniwala ang Donya. Gayunpaman, dahil sa wala na siyang magawa sinabi na lamang na nanghinayang siya at hindi kaagad nagkasakit si Maria at disin sana’y nakadaupang palad nila ang Heneral.

  Nang matapos ang kanilang pag-uusap, pinuntahan nila si Maria na noon ay nakahiga sa isang kamagong na nakukurtinahan ng husi at pinya. Ang ulo ni Maria ay may taling panyo na basa ng Agua Colonia at nakakumot ng puti. Nasa tabi siya ng dalawang kaibigang babae at si Andeng na may hawak ng punpon ng Azucena.

  Naitanong naman ni Linares kay Padre Salvi kung nasaan si Padre Damaso, sapagkat may dala itong sulat-tagubilin para rito. Sinabi ni Salvi na dadalaw ito kay Maria kaya napanatag ang loob ni Linares.

  Pinulsuhan ng Don si Maria at tiningnan ang dila at sinabing may sakit ito, ngunit mapapagaling. Ang iniresetang gamot niya ay: Sa umaga ay liquen con lechejarabe de altea at dalawang pildoras ng cinoglosa. Sinamantala ito ng Donya at ipinakilala si Linares na nabigla sapagkat nakatuon ang kaniyang mga mata at isip kay Maria na lubhang nagagandahan.

  Saglit na nautol ang walang kurap na pagkakatitig ni Linares sa magandang mukha ni Maria nang sabihin ni Padre Salvi na dumating na si Padre Damaso. Ang pari ay kagagaling lamang sa sakit. Siya ay putlain at mabuway kung lumakad, payat at hindi masalita. Ang una niyang ginawa ay dumalaw nga kay Maria Clara. 

No comments:

Post a Comment