Tuesday, December 12, 2023

Ang Alamat ng Pinya Animation with Reading Guide

Ang Alamat ng Pinya 
  Noong unang panahon ay may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya, lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na
alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina.

  Isang araw, nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw.Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa. Napagsilbihan naman siya kahit
paano ng anak.

  Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na 'di makita at agad
tinatanong ang kanyang ina.

  Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: ” Naku!
Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong ng tanong sa akin."

  Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay 'di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.

  Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.

  Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niya itong mabuti hanggang sa ito’y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.

  Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap.

  Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang.

  Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang Pinang ay naging pinya.

Sunday, April 23, 2023

Ang Alamat ng Pipino with Audio Animation

 


Ang Alamat ng Pipino 

  Noong araw, sa Lumang Taal, Balangay ng Batangas, ay may mag-asawang sina Mang Rupino at Aling Paula at ang kanilang anak na lalaki na si Tirso. Ang Amang si Rupino ay napakatamad at sugarol pa. Kaya kailangang magsumikap ni Aling Paula upang sila'y mabuhay.  

  Isang araw, si Aling Paula ay nagluto ng pananghalian. Pinakiusapan niya ang asawa na magsibak ng kahoy upang may maigatong sa niluluto. Matagal ding nakiusap si Aling Paula bago napasunod si Mang Rupino. Datapwa't hindi pa halos nangangalahati ng pagsibak, si Mang Rupino ay huminto na.

  "Paula, Paula," ang sigaw ni Rupino buhat sa ibaba, "napakasakit ng ulo ko. Para bang mabibiyak. Bigyan mo nga ako ng piso at bibili ako ng gamot."

  Nalalaman ni Paula na si Rupino ay nagdadahilan lamang, marahil ay tinatamad at sinusumpong ng pagsusugal.

  "Saan ba ako kukuha ng piso?" ang sagot ni Aling Paula. "At saka anong sakit ng ulo ang sinasabi mo? Ang totoo'y ibig mo lamang magsugal. Kung ayaw mong magsibak ng kahoy ay umalis ka na at ako na ang magsisibak."

  Si Mang Rupino ay agad na umalis na ngingiti-ngiti pa. Tinantiya muna niyang luto na ang pagkain bago siya bumalik. 

  "Paula, maghain ka nga," ang utos niya sa asawa. "Nagugutom ako."

  Si Aling Paula naman na nakalimot na ng kanyang galit ay madaling sumunod.

  "Tirhan mo ng kaunting kanin at kaunting ulam si Tirso," ani Aling Paula. "Siya'y hindi pa kumakain sapagka't inutusan ko."

  Ngunit nasarapan si Mang Rupino sa pagkain. Nang maalaala niya ang pagtitira ng kaunting kanin at ulam kay Tirso ay naubos na niyang lahat ang kanin at ulam.

  Nang dumating si Tirso at maghalungkat sa paminggalan ay nakita niyang ubos ng lahat ang ulam at kanin.

  "Inay, wala na pong ulam at kanin a," ang maiyak-iyak na sumbong ni Tirso. "Simot na simot po ang mga palayok."

  "Rupino, hindi mo ba tinirhan ng pagkain ang anak mo?" ang usisa naman ni Aling Paula.

  "Aba, tinirhan ko," ang pagsisinungaling ni Mang Rupino. "Baka kinain ng hayop." Hinanap niya ang kanilang pusa at aso. Ang mga hayop ay pinagpapalo ni Mang Rupino hanggang sa ang pusa at aso ay magtalunan sa batalan.

  Lumipas ang mga araw. Noon ay tag-ani na ng palay. Upang may-roon silang makain, ang mag-inang Paula at Tirso ay tumulong sa pag-aani ng palay sa kanilang mga kapitbahay na may mga palayan. Ang palay na iniuupa sa kanila ng kanilang mga tinutulungan ay itinatago nila sa isang bangang malaki sa kanilang silid.

  Isang araw, sa paghahalungkat ni Mang Rupino sa loob ng silid ay natagpuan niya ang banga ng palay. Nang makita niyang mapupuno na halos ang banga ay napangiti ito ng lihim. Alam na niya ang kanyang gagawin. Mapaglalalamangan na naman niya si Aling Paula.

  Nang dumating ang mag-ina buhat sa bukid ay dinatnan nila si Mang Rupino na naghihimas ng manok. Si Mang Rupino ay mukhang malungkot na malungkot.

  "Aba, ano ang nangyayari sa iyo?' ang usisa ni Aling Paula. "Bakit pang Biyernes Santo ang mukha mo?"

  "Masama ang nangyari, e," ang simula ni Mang Rupino. "Natalo ako sa tupada."

  "O, e ikaw ba naman ay nanalo na," ang wika ni Aling Paula. "Ang ipinagtataka ko sa iyo ay kung saan ka kumukuha ng ipinatatalo."

  "Iyon na nga ang sasabihin ko sa iyo. Nakita ko ang palay na tinipon ninyo sa banga sa silid at ipinagbili ko. Ang iniisip ko ay kung iyong pinagbilhan ay maparami ko ay gugulatin kita. Nguni't talaga yatang minamalas ako - lahat ng pinagbilhan ko ay natalo."

  Si Aling Paula at si Tirso ay hindi nakakibo. Si Aling Paula ay nanlambot na lamang at nangilid ang luha. Pumanhik silang mag-ina sa bahay na malatang-malata ang katawan.

  Si Mang Rupino ay maliksing tumayo nang makapanhik na si Aling Paula at si Tirso. Tuwang-tuwa siya samantalang siya'y nagbibihis. Ang totoo'y hindi pa natatalo ang sampung pisong pinagbilhan niya ng palay. Ang limang piso ay nasa bulsa niya at ang lima pa ay itinago niya sa loob ng lambat na nakasuksok sa kanilang silong. Ang limang pisong nasa bulsa niya ay dadalhin niya sa sugalan. Kung sakaling matalo iyon ay maaari pa siyang umuwi at kumuha ng puhunan

  "Inay, paano ang gagawin natin ngayon?" ang tanong ni Tirso nang nakaalis na si Mang Rupino. "Nasayang lamang ang pagod natin."

  "Bayaan mo na anak, at ako'y maghahanap ng maipagbibili," ang wika ni Aling Paula. "Makararaos din tayo sa awa ng Diyos."

  Si Aking Paula ay naghalungkat ng anumang maipagbibili sa loob ng bahay nguni't wala siyang makita. Nanaog siya at nagbakasakaling sa silong ay may makita siya. At hindi nga siya nagkamali sapagka't namataan niya agad ang lambat na nakasabit sa isang haligi. Ang lambat ay kinuha ni Aling Paula at madaling dinala sa Intsik at ipinagbili ito. Ang pinagbilhan ay ibinili agad ni Aling Paula ng kalahating kabang bigas at ng maiuulam na nila ng marami-raming araw.

  Si Aling Paula ay kasalukuyang nagluluto nang si Mang Rupino ay dumating na humahangos.

  "Kakain ka na ba?" ang tanong ni Aling Paula. "Malapit nang maluto ang ulam."

  "Huwag mo akong abalahin," ang payamot na sagot ni Mang Rupino at nanaog uli. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silong.

  Walang anu-ano ay mabilis na umakyat sa hagdan si Mang Rupino.

  "Ang lambat? Nasaan ang lambat?" ang humahangos niyang usisa. "Ano ang ginawa mo sa lambat?"

  "Ha? Lambat?" ang walang tutong sagot ni Aling Paula. "A, ang lambat. Ipinagbili ko at ang pinagbilhan ay ibinili ko ng kalahating kabang bigas at ng maraming ulam."

  "Ipinagbili mo! Ang ipinagbili mo ay may lamang limang piso!" Si Mang Rupino ay nanginginig na lumapit sa asawa. Sinampal niya ito nang ubos-lakas, sinuntok at sinipa. Hindi pa yata nagkasiya roon ay hinawakan niya sa ulo si Aling Paula at ipinukpok nang ipinukpok ang ulo nito sa dingding ng bahay. "Hindi mo ba nalalamang itinago ko sa lambat ang kalahati ng pinagbilhan ko sa palay?"

  "Diyos ko!" ang panangis ni Aling Paula nang lubayan na siya ng kagugulpi ni Mang Rupino. "Labis-labis na po ang mga pagtitiis namin ng anak ko sa taong ito. Diyos ko, kaawaan mo po kami! Maano pong kunin Mo na ang taong ito at ng kami naman ng anak ko ay makatikim ng ginhawa!"

  At anong laking himala ang nangyari. Isang napakatalim na kidlat ang biglang gumuhit, kidlat na sinundan ng kulog na nakatutulig. Si Aling Paula at Mang Rupino ay kapwa nawalan ng malay-tao.

  Nang si Aling Paula ay pagsaulan ng hininga ay nakita niyang si Mang Rupino ay maitim na maitim at patay na. Siya pala ay tinamaan ng kidlat. Samantalang pinagmamasdan niya ang mukha ng asawa ay may narinig siyang isang tinig na nagsasabi ng ganito: "Ibaon mo sa inyong halamanan ang bangkay ng iyong asawa. Sa puntod ng kanyang libingan ay may sisipot na isang halaman. Alagaan mong mabuti ang halamang iyan sapagka't iya'y pakikinabangan ninyo. Si Rupino ay di nakatulong sa inyo noong siya'y nabubuhay. Ngayong siya'y patay na ay makakatulong na sana siya sa inyo."

  Hindi naman naglaon at isang baging na maganda at malusog ang sumipot sa puntod ng libingan ni Mang Rupino. Ang baging ay madaling lumaki at namunga, at nang anihin ni Aling Paula ang mga bunga ng baging at kanilang kanin ay anong sarap ng mga iyon sa panlasa. Ang baging na iyon ang unang pipino sa daigdig. At sapagka't ang baging ay sumipot sa puntod ni Rupino, tinawag itong PIPINO.


Saturday, March 25, 2023

Ang Alamat ng Ampalaya Animation with Audio Guide

 

 

  Noong araw sa bayan ng Sariwa, naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit. 

  Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag. 

  Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay.

  Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot. 

  Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan. Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya. 

  Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. 

  Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha niya sa mga kapwa niya gulay ay ibinigay sa kanya.

  Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito.

  Mula noon, naging madilim na luntian ang kulay ni Ampalaya. Ngayon kahit naging masustansiyang gulay na si Ampalaya ay marami ang hindi nagkakagusto sa kanya. Pero alam niyo nagsisisi na si Ampalaya. 

  Sa susunod na makita niyo siya sa inyong pinggan ay subukan niyo siyang tikman at patawarin sa kanyang mga kasalanan.



Ang Alamat ng Kalabasa Animation with Audio Guide

 

Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Polio ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.



Tuesday, March 7, 2023

ANG ALAMAT NG PECHAY WITH AUDIO GUIDE


ANG ALAMAT NG PECHAY
with Audio Guide 


   Sa isang nayon sa Bungahan ay may mag-anak na naninirahan na ubod ng ingay.Maraming mga puno at halaman sa lugar na iyon.


  Madalas na inuutusan ng nanay ang kanyang mga anak na sina Fe at Chai na mamitas ng mga bunga ng puno at halaman.Pilyo ang magkapatid kaya madalas mapagalitan at nasisigawan ng kanilang ina.


 Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na manguha ng mga bunga sa kakahuyan.Masayang-masaya at patakbo-takbo sina Fe at Chai papuntang kakahuyan ngunit sa halip na manguha ng bunga ay panay laro lamang ang ginawa.Namahinga sila sandali sa maliit na kubo.Matapos mamahinga ay naghabulan ulit ang dalawa, nakakita sila ng maliit na kweba.


  Pumasok sila upang maglaro.Sa kasamaang palad hindi na nakalabas ang dalawang bata.Labis na nag-alala ang kanilang ama at ina dahil madilim na ay wala pa ang kanilang mga anak.


“Tay, gabi na ay wala pa sina Fe at Chai nasaan na kaya sila? ” Wika ng ina.


“Baka naman pauwi na sila, alam mo naman ang mga iyon kapag inutusan mo ay may kasamang laro kaya matagal.” Wika naman ng ama.



  Naidlip na ang mag-asawa ngunit paggising nila ay wala pa rin ang magkapatid.


“Tay, bukas na bukas pagbukang-liwayway ay hanapin mo sila sa kakahuyan.” Ang nag-aalalang tinig ng ina.


“Oo sige mabuti pa maghapunan na tayo at baka nakatulog na sina Fe at Chai roon sa ating kubo sa kakahuyan.” Wika ng ama.


  Kinaumagahan ay hinanap ng kanilang ama ang magkapatid habang abala naman ang ina sa pagdidilig ng mga tanim na gulay.


“Nalibot ko na ang buong kakahuyan at kubo natin pero wala roon sina Fe at Chai.” Ang malungkot na wika ng ama.



  Napaiyak na lamang ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang mga anak.


  Lumipas ang maraming araw ngunit tahimik sapagkat walang pinagagalitan o sinisigawan ang mag-asawa.Bakas ang lungkot sa mukha ng mag-asawa at pagkasabik sa mga anak.Habang nagdidilig ng mga tanim na gulay may napansin ang ina na kakaibang gulay na tumubo sa kanilang taniman.Animo’y mga batang paslit ng biglang lumilitaw.


“Tay, tingnan mo may mga kakaibang gulay dito sa ating taniman.” Nagmamadaling wika ng ina.


“Oo nga biglang dumami at nagsulputan ang mga iyan, naalala ko sina Fe at Chai na bigla na lamang sumusulpot.” Wika ng ama.


“Ano kaya ang tawag sa gulay na ito? ” Tanong ng ina.


“Tawagin natin itong PETSAY bilang alaala sa ating mga anak na sina Fe at Chai.” ang naiiyak na tinig ng ama.


 

Saturday, May 22, 2021

Buod Ng Biag Ni Lam-ang ( Epikong Ilokano )


 Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may nakatirang mag-asawa na kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.

  Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng mga Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa sobrang galit ni Don Juan, nilusob niya ang mga Igorot upang ipaghiganti ang kanyang mga tauhan. Ngunit, hindi na nakabalik pa si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.

  Samantala, isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng kanyang pangalan at ito nga ay Lam-ang. Siya na rin ang pumili ng kanyang magiging mga ninong.

  Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw mang payagan ng kanyang inang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpumilit din si Lam-ang na makaalis.

  Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ang isang Mahiwagang Tandang, ang Tangabaran, at ang Mahiwagang Aso. Baon rin niya ang kanyang Talisman mula sa puno ng saging. Sa tulong ng kanyang Talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa sobrang pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napanaginipan niya na ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama ay nagsisipagsayaw habang inikot-ikutan ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa Sarukang, isang haliging kawayan.

  Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang huwag siyang matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos-lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya’t dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging na pinagpapatay ang mga nakalaban.

  Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Sa sobrang dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.

  Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang patungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang Mahiwagang Tandang at Mahiwagang Aso.

  Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

  Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi nila napansin si Lam-ang. Tumahol ang Mahiwagang Aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang Mahiwagang Tandang. Muling tumayo ang bahay. At napansin na si Lam-ang.

  Ipinagtapat ng Tandang at Aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

  Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

  Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang Rarang. Nakikini-kinita ni Lam-ang na may mangyayaring masama sa kanya, na siya ay makakain ng pating na Berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

  Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng Berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng Mahiwagang Tandang at Mahiwagang Aso. Tumilaok ang Tandang at tumahol ang Aso.

  Walang anu-ano’y kumilos ang mga butong may takip na saya. Bumangon si Lam-ang na parang bagong gising lamang mula sa mahimbing na pagkakatulog.

  Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang Aso at Tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.


Thursday, April 1, 2021

Retiring in the Philippines VS Retiring and Living in Thailand ( Pros and Cons )

 I found this helpful video about the Pros and Cons of Retiring and Living in the Philippines Vs Thailand. Taken from a British couple who had lived in Thailand for about 4 years and is now currently living in the Philippines for a year.  Let's check out the video of Sacha and Jmayel El-Haj of Eight Miles from Home - YouTube!



Monday, March 22, 2021

Epekto ng Sistema ng Edukasyong Ipinatutupad Ng Mga Amerikano

 


  Ang sistema ng edukasyon at mga paaralan ay ang pinakamahalagang nagawa ng mga Amerikano sa Pilipinas. Nakapagtaguyod sila ng sistema ng pampublikong edukasyong iba sa mga Espanyol. Hindi sila nakatuon sa buhay ng walang hanggang pagkamatay ng tao kundi sa mga buhay ng mga tao. 

MGA EPEKTO NG PROGRAMANG EDUKASYONG PAMPUBLIKO
 NG MGA AMERIKANO

  1. Lumaki ang bahagdan ng mga mamamayan na natutong bumasa at sumulat. Bawat bata mula sa edad na 7 ay kinailangang mairehistro sa mga paaralan na matatagpuan sa sarili nilang bayan o lalawigan. Ang mga mag-aaral ay binigyan ng libreng mga gamit sa paaralan. May tatlong antas ng edukasyon noong panahon ng Amerika. Ang antas ng elementarya ay binubuo ng apat na pangunahing taon at 3 intermediate taon. Ang pangalawa o mataas na antas ng paaralan ay binubuo ng apat na taon; at ang pangatlo ang kolehiyo o tertiary. Ang relihiyon ay hindi bahagi ng kurikulum ng mga paaralan gaya ng dati sa panahon ng Espanyol.
  2. Naging pangunahing wika ng edukasyon at pamamahayag ang wikang Ingles. Ang pagtuturo sa wikang Ingles, at kasaysayan ng Amerika, ay humahantong sa pagbubuo ng pambansang identidad at nasyonalismong Pilipino.
  3. Paglaganap ng kaalaman sa  pag-aalaga ng kalusugan at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa sakit. 
  4. Pagkatatag ng Edukasyong Sekular, ang Unibersidad ng Pilipinas (1908).
  5. Pagkatatag ng mga Institusyong Pang-akademya ng mga Sekta ng Relihiyon at Pribadong Mga Pamantasan.
    •  Protestante- Silliman University sa Dumaguete sa isla ng Negros (1901) 
    •  Far Eastern University at University of Manila.
    •  Mga Unibersidad Para Sa mga Kababaihan kagaya ng Centro Escolar University at Philippine Women’s University.
  6. Pag-usbong ng mga babaeng propesyonal sa larangan ng Medisina,      Abogasya  at Edukasyon.

Monday, March 1, 2021

Eureka, Eureka

Long ago in the kingdom of Syracuse, there was a great struggle for power. King Heiro finally won the rights to the kingdom. He wanted to pay tribute to the gods and commissioned the forging of a great golden crown. The kind carefully weighed and gave a precious amount of gold to the goldsmith. 
The goldsmith designed a beautiful crown of golden leaves for the king. The king was very impressed. He marveled at the crown, he weight to make sure all of the gold was used. The weight was the same as the punt that had been given to the goldsmith.
Later the king began to suspect that the goldsmith had mixed the gold with silver and and had not used all the gold that was given to him. He believed this to be true but had no way to prove it. King Heiro called upon his friend Archimedes to help him solve his problem. Archimedes knew the answer lied in the density of the metals. Since density is a physical property each had it's own specific density. Although a lump of gold and silver can be thesame size a lump of gold is twice as heavy as thesame size lump.of silver. Silver is lighter that gold. 
He knew all these facts but he did not know how to find the density of the crown. While pondering on the matter, he decided to soak in the bathtub. He did his best thinking while soaking in the tub. He headed for the public bathto relax and think. While on the way he made a mental list of the facts. Mass can be determined easily simply place the crown on a scale. But it's volume, well that was a bit tougher. He arrived at the bath house just as a tub was filled to the brim. When he stepped into the tub some of the water spoiled out. The more he sank into the tub the more water spilled out. He realized that the amount that spilled ouist be exactly the same value as him. 
All of the sudden Archimedes had a right idea. As of a light bulb flashed on on his mind. He had the solution to the King's problem. He was so excited and happy. In those days to disappoint a king could mean a loss of one's head. He began running through the streets without his clothes shouting, " Eureka, Eureka! " ( Eureka is the Greek word for " I Found it" )
Archimedes made two masses. The same mass as the crown, one in gold and one in silver. He then filled two containers to the brim with water. The amount of water that spilled out of each container was equal to the volume of each of the lumps. This is called the displacement method of calculating volume.
The amount of water displaced by the gold was less than that displaced by the silver. He filled one more vessel and stopped in the crown. Archimedes found that more water was lost with the crown than with pure gold. He calculated the crown was not made of pure gold. The goldsmith was punished for cheating the king. 
Archimedes used the formula for density to solve the kings problem.
Density= Mass / Volume

Saturday, February 27, 2021

Ang Sistema ng Edukasyong Ipinatutupad ng mga Amerikano


Sistema ng Edukasyong Pampubliko
( 1898-1946)

  •  Nagsimula noong Mayo 1898.
  •  Mga Naging Guro
    • Sundalong Amerikano- Unang guro
    • Thomasites- Pinakamalaking pangkat ng mga guro(1901) na dumating sa Pilipinas lulan ng barkong Thomasites.
  • Sa ilalim ng Batas blg.74, naitatag ang Kagawaran ng Pampublikong Instruksiyon ( Dept. of Public Instruction).
  • Nagtatag ng mga Normal School ( PNU ) noong 1901.
  • Nagtatag rin ng Trade School na Philippine School of Arts and Trades na kilala ngayon bilang Technological University of the Philippines.
  • Pensionado (1906 ) - Ito ang tawag sa mga Pilipinong Iskolar na ipinadala sa Amerika upang mag-aral ng Edukasyon, Abogasya, Medisina at Inhinyera. Sila ang mga naging guro at propesor o kaya ay tagapaglingkod sa iba't-ibang sangay ng pamahalaan pagbalik nila sa Pilipinas.
  • Batas Gabaldon ( 1907 )- Ito ay sinulat ng mambabatas na si Isauro Gabaldon.                  
    •  Pagtatayo ng dalawang pampublikong paaralan sa bawat lalawigan.
    • Ingles ang gamit sa pagtuturo.
    • Libre at sapilitang pag-aaral.     

MGA EPEKTO NG PROGRAMANG EDUKASYONG PAMPUBLIKO
 NG MGA AMERIKANO

  1. Lumaki ang bahagdan ng mga mamamayan na natutong bumasa at sumulat.
  2. Naging pangunahing wika ng edukasyon at pamamahayag ang wikang Ingles.
  3. Paglaganap ng kaalaman sa  pag-aalaga ng kalusugan at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa sakit.
  4. Pagkatatag ng Edukasyong Sekular, ang Unibersidad ng Pilipinas (1908).
  5. Pagkatatag ng mga Institusyong Pang-akademya ng mga Sekta ng Relihiyon at Pribadong Mga Pamantasan.
    •  Protestante- Silliman University sa Dumaguete sa isla ng Negros (1901) 
    •  Far Eastern University at University of Manila.
    •  Mga Unibersidad Para Sa mga Kababaihan kagaya ng Centro Escolar University at Philippine Women’s University.
  6. Pag-usbong ng mga babaeng propesyonal sa larangan ng Medisina,      Abogasya  at Edukasyon.