Sunday, May 17, 2020

SINO SI GABRIELA SILANG? KILALANIN BAYANING FILIPINO


GABRIELA SILANG
( March 19, 1731- September 20, 1763 )

   Si Gabriela Silang ay ang unang Pilipinong babae na namuno sa isang paghihimagsik noong kolonisasyon ng mga Kastila sa Pilipinas. Nang namatay ang kanyang asawang si Diego Silang, ipinagpatuloy niya ang ipinaglalaban nito. 

   Siya ay ipinanganak bilang Maria Josefa Gabriela Cariño Silang noong Marso 19, 1731 sa Caniogan, Ilocos Sur (Santa, Ilocos Sur). Siya ay nagpakasal sa kanyang unang asawa na labag sa kanyang kagustuhan. Siya ay isa pa lamang menor de edad noon. Ang lahat ng mga pangyayaring iyon ay pawang kagustuhan lamang ng kanyang ama. Natupad ang nais ng ama ni Gabriela nang mapunta kay Gabriela ang kayamanan ng kanyang asawa ng ito ay namatay at siya ay maagang nabiyuda. Lumipas ang ilang taon at napangasawa naman ni Gabriela si Diego Silang.

   Magiting na lumaban si Diego sa mga Kastila at napalaya ang Vigan. Sila ay nanirahan sa Vigan magmula noong Setyembre,1762, hanggang sa mamatay si Diego. Ang naudlot na pakikipaglaban ni Diego Silang ay buong giting niyang ipinagpatuloy. Subalit sa kasamaang palad, ang kanyang puwersa ay nawalang laban sa libu-libong lakas ng mga Kastila at kawalang interes ng mga Ingles ng nilagdaan ang kasunduan sa pagtatapos ng Pitong Taong Digmaan sa Paris noong Pebrero 1763.

   Si Gabriela ay dinakip at binitay noong Setyembre 20, 1763. Siya ay tinaguriang Unang Babaeng Heneral at Unang Babaing Martir dahil sa kanyang katapangan at kagitingan para sa kapakanan ng bayan. Ang kanyang katapangan ang naging inspirasyon ng pagkatatag ng partido pampulitika na GABRIELA. 

KILALANIN SI MELCHORA AQUINO O TANDANG SORA BAYANING FILIPINO


MELCHORA AQUINO O TANDANG SORA
( 1812- 1919 )
INA NG HIMAGSIKAN

   Siya ay kilala sa tawag na Tandang Sora noong kanyang katandaan. Ipinanganak siya sa Gulod Banilad, Balintawak noong Enero 6, 1812. Ang mga magulang niya ay sina Juan Aquino at Valentina de Aquino. Sa kagubatan ng Balintawak siya nanirahan. Hindi siya nakapag-aral dahilan sa kahirapan, subalit taglay niya ang kabaitan at mabuting ugali ng pakikipagkapwa. Napangasawa niya si Fulgencio Ramos subalit nabiyuda siya ng maaga.

   Nang sumiklab ang himagsikan, si Tandang Sora ay 84 na taong gulang. Taong 1896 ng magpakita ng labis na kalupitan ang mga Kastila. Natiktikan ng mga ito na malapit ng maghimagsik ang mga tauhan ni Bonifacio. Maraming kalalakihan ang hinuli at pinarusahan, pilit na pina-amin tungkol sa lihim na samahan ng Katipunan at kapag hindi umamin ay kanilang pinapatay sa pamamagitan ng pagbaril o di kaya ay pagbitay. Ang ibang nakatakas ay nagtago sa Balintawak sa lugar ni Tandang Sora.

   Lahat ng taong dumulog kay Tandang Sora ay kanyang tinulungan. Pinakain niya ang mga rebolusyunaryong nagugutom at ginamot naman ang mga sugatan. Subalit hindi niya pinapabayaang magtagal sa poder niya ang mga ito. Binigyan niya ang mga ito ng baong pera at pagkain at saka pinapatakas patungo sa ligtas na lugar na maaaring pagtaguan ng mga ito.

   Nakarating sa kaalaman ng mga kastila ang ginagawang pagtulong ni Tandang Sora sa mga miyembro ng Katipunan. Hinuli siya ng mga kawal Kastila at dinala sa Maynila. Ipinatapon siya sa pulo ng Marianas. Bumalik lamang si Tandang Sora sa Pilipinas noong 1903 ng mapasailalim ito sa kamay ng mga Amerikano. Matandang-matanda na siya noon at wala na siyang natitirang ari-arian. Namatay siya noong Marso 2, 1919 sa edad na 107. 

KILALANIN SI LAPU-LAPU PINAKAUNANG BAYANING FILIPINO


    LAPU-LAPU
Pinaka-unang Bayaning Filipino

   Si Lapu-lapu ang hari at pinuno ng maliit na isla ng Mactan. Kilala siya sa kanyang katapangan sa pakikipaglaban ngunit mabait na lider sa nasasakupan. Tumanggi siyang kilalanin ang soberanya ng Espanya, lalung-lalo na ang tumanggap ng mga dayuhan sa kanyang isla. Nang dumating sa Cebu si Ferdinand Magellan ginawa nito ang lahat ng paraan para makuha ang tiwala ng mga taong bayan, subalit hindi ito nagustuhan ni Lapu- lapu. Hindi sumunod si Lapu-lapu sa patakaran ng mga kastila Tumanggi siyang magbayad ng buwis. Nagalit si Magellan. Mula sa Cebu ay naglayag ang pangkat nito at nilusob ang Isla ng Mactan. Subalit dahil sa pag-ibig sa kalayaan buong tapang na hinarap ni Lapu-lapu ang mga sundalong Kastila kahit na iilan lamang ang kanyang mga tauhan at kahit na makaluma ang kanilang sandata. Dahil sa pinaghandaan ng husto nina Lapu-lapu ang labanan ay nasugatan si Magellan na naging dahilan para umatras ang grupo ng mga sundalong kastila patungo sa kanilang sasakyang pandagat. Nang makita ng mga sundalong kastila na tuluyan ng nagapi ang kanilang pinuno ay mabilis na nagsi-alis at tumakas ang mga ito. Ang labanan ay naganap sa baybayin ng Mactan noong Abril 27, 1521 kung saan napatay niya si Magellan. 

KILALANIN SI JUAN LUNA BAYANING PINTOR NA FILIPINO


JUAN LUNA
( 1857-1899 )

   Si Juan Luna ay ipinanganak sa Badoc, Ilocos Norte noong Oktubre 23,1857. Kapatid niya si Antonio Luna. Ang mga magulang nila ay sina Joaquin Luna at Laureana Novicio.

   Taong 1874 ng magtapos siya ng pag-aaral sa Ateneo de Manila ng kursong      " Bachiler de Artes ". Likas ang hilig niya sa pagpipinta kaya nag-aral din siya sa Academia de Dibujo y Pintura sa Maynila na pinamamahalaan ng mga bantog at kilalang pintor.

   Nagtungo siya sa Espanya taong 1877 upang magpakadalubhasa. Pumasok siya sa tanyag na Escuela de Bellas Artes sa Madrid. Dahil sa husay niyang magpinta ay umani si Juan Luna ng paghanga at papuri. Nahirang din siyang pensyonado sa Europa ng pamahalaang Pilipino. Siya ay pinagkalooban ng taunang pensyon sa loob ng apat na taon, sa kasunduang taun-taon ay gagawa siya ng isang larawang magagamit na palamuti sa iba't- ibang gusali sa pamahalaang Pilipinas.

   Naglakbay siya sa iba't- ibang bansa sa Europa. Narating niya ang Roma, Italia at Paris kasama niya ang kanyang guro na si Alejo Vera.

   Nagkamit ng medalyang ginto ang kanyang iginuhit na " Ang Kamatayan ni Cleopatra" at naipagbili niya sa pinakamataas na halagang maibabayad sa isang pintura.

   Taong 1884 ng kanyang iginuhit ang bantog na " Spolarium " na nakilala at hinangaan sa lahat ng kanyang mga ginawa. Marami pang ibang likha si Juan Luna na hinangaan ng marami habang siya ay nasa Europa.

   Nagbalik siya sa Pilipinas noong 1894.

   Taong 1896 ng siya ay hulihin ng mga kastila at ibinilanggo sa Fort Santiago sa bintang na siya ay may kinalaman sa gawain ng mga katipunero. Kasama niyang nakulong ang kanyang kapatid na si Heneral Antonio Luna.

   Pinalaya siya noong 1897. Muli siyang umalis ng Pilipinas at naglakbay sa iba't-ibang bansa sa Silangan. Subalit inabot siya doon ng karamdaman.
Disyembre 7,1899 ng siya ay bawian ng buhay.

KILALANIN SI EMILIO JACINTO BAYANING FILIPINO


EMILIO JACINTO
( 1875- 1899 )
UTAK NG KATIPUNAN

   Si Emilio Jacinto ay isinilang noong Disyembre 15, 1875 sa Trozo, Maynila. Ang mga magulang niya ay sina Mariano Jacinto at Josefa Dizon na isang Midwife or Hilot.

 Mahirap lamang ang kanyang mga magulang, Nakapag-aral siya sa San Juan de Letran sa tulong lamang ng isang tiyuhin. Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan kumuha siya ng Abogasya. Doon ay naging kamag-aral niya sina Osmena, Quezon at Sumulong.

  Taong 1894 ay sumapi siya sa Katipunan. Labing-siyam na taong gulang siya noon at pinakabatang kasapi ng samahan. Mula sa una niyang pakikipaglaban sa Balintawak at Pasong Tamo ay pinagkatiwalaan at hinirang siya ni Andres Bonifacio bilang heneral sa hukbo ng Katipunan sa parteng Hilaga. Isa siyang dalubhasang manunulat. Marami ang nagsabi na nahigitan pa niya si Bonifacio sapagkat hindi ang Dekalogo ni Bonifacio ang ginamit ng Katipunan kundi ang sinulat niyang " Kartilya". Nakapaloob dito ang mga turo ng KKK. Ang Kartilya ay naglalaman din ng mga aral na dapat sundin ng mga kasapi. Si Jacinto rin ang patnugot ng " Kalayaan" ang pahayagan ng Katipunan kung saan ginamit niya ang sagisag na "Dimas Ilaw"  at " Pingkian". Dahil dito kinilala siyang " Utak ng Katipunan".

   Nagkahiwalay sila ni Bonifacio ng sumiklab ang himagsikan. Isang taon pagkaraang mapatay si Bonifacio, nasugatan naman si Emilio Jacinto sa labanan at nadakip siya ng mga kaaway. Ito ay noong Pebrero 1898, ngunit nakatakas siya at nagtungo sa Maynila.

 Ipinasiya niyang bumalik muli sa Laguna at doon ipinagpatuloy ang kanyang pakikibaka subalit nagkasakit siya. Noong Abril 16, 1899 namatay siya sa sakit na Malaria. Ang kanyang mga labi ay nakalagak sa " Cementerio del Norte sa Maynila".

KILALANIN SI EMILIO AGUINALDO BAYANING FILIPINO


EMILIO AGUINALDO
( 1869- 1964 )

   Si Emilio Aguinaldo ay isang Rebolusyonaryong Pilipino, pulitiko, at lider-militar na kinikilala bilang opisyal na Unang Pangulo ng Pilipinas (1899-1901) at unang Presidente ng isang konstitusyunal na Republika sa Asya. Pinamunuan niya ang puwersa ng Pilipinas sa unang laban sa Espanya noong mga huling taon ng Rebolusyong Pilipino (1896-1898), at pagkatapos ay sa Digmaang Espanyol-Amerikano (1898), at sa wakas ay laban sa Estados Unidos sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1901) . Siya ay nahuli sa Palanan, Isabela ng puwersang Amerikano noong Marso 23, 1901, dahilan upang magtapos ang kanyang pagkapangulo.

 Noong 1935, tumakbo si Aguinaldo sa pagka-pangulo ng Philippine Commonwealth subalit siya ay natalo ni Manuel Quezon. Matapos sumalakay ang mga Hapones sa Pilipinas noong 1941, nakipagtulungan siya sa mga bagong pinuno at umapila sa radyo para sa pagsuko ng puwersa ng mga Amerikano at Pilipino sa Bataan. Siya ay naaresto bilang isang kaalyado ng mga Hapones matapos ang mga Amerikano ay bumalik ngunit sa kalaunan ay napalaya sa isang pangkalahatang amnestiya.

   Si Emilio Aguinaldo ay ipinanganak noong Marso 22, 1869 sa Cavite el Viejo (kilala ngayon sa tawag na Kawit, Cavite). Ang mga magulang niya na sina Carlos Jamir Aguinaldo at Trinidad Famy Aguinaldo ay mag-asawang mestizo Tagalog-Tsino at may kaya sa buhay. Ang kanyang ama ay ang inatasang Gobernadorcillo ng komunidad (munisipal na gobernador) sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Nag-aral si Aguinaldo sa Colegio de San Juan de Letran ngunit hindi niya nagawang tapusin ito dahil sa epidemya ng kolera noong 1882. Si Emilio ay naging "Cabeza de Barangay" ng Binakayan, isang punong baryo ng Cavite el Viejo noong siya ay 17 taong gulang lamang upang makaiwas na gawing  sapilitang kawal.

   Noong 1895 ipinatupad ang Maura Law para sa bagong tatag na lokal na pamahalaan. Sa edad na 25, si Aguinaldo ay naging unang "Gobernadorcillo Capitan Municipal" (Municipal Gobernador-Captain) ng Cavite el Viejo  habang nasa business trip sa Mindoro.

   Noong Enero 1, 1896, pinakasalan niya si Hilaria del Rosario (1877-1921), ito ay ang kanyang ikatlong asawa. Sila ay may limang anak: sina Carmen Aguinaldo-Melencio, Emilio "Jun" R. Aguinaldo Jr, Maria Aguinaldo-Poblete, Cristina Aguinaldo-Linggo, at Miguel Aguinaldo. Si Hilaria ay namatay sa sakit na ketong noong Marso 6, 1921 sa edad na 44. Siyam na taon ang nakalipas, noong Hulyo 14, 1930, pinakasalan ni Aguinaldo si Maria Agoncillo sa Barasoain Church. Namatay si Maria Agoncillo noong Mayo 29, 1963, isang taon bago si Aguinaldo mismo ay namayapa rin noong Pebrero 6, 1964.

KILALANIN SI GREGORIO DEL PILAR BAYANING FILIPINO


GREGORIO DEL PILAR
( 1875- 1899 )

   Si Gregorio del Pilar ay ang pinakabatang heneral na lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Siya ay isinilang sa Bulacan, Bulakan noong Nobyembre 14, 1875 kina Fernando del Pilar at Felipa Sempio. Pamangkin siya ni Marcelo del Pilar. 

   Bata pa lamang ay nauunawaan na niya ang kalagayan ng kanyang bayan. Malimit siyang tumanggap ng maliliit na aklat na naglalaman ng mga sinulat ni Rizal, Lopez Jaena, del Pilar at iba pa mula sa kanyang tiyuhin.

   Nagpakita siya ng katapangan ng pakialaman niya ang mga aklat na ipinamumudmod ng isang pari na tumutuligsa at nagpaparatang sa mga Pilipinong nagpapakasakit alang-alang sa bayan. Pinalitan niya ng mga pahina na pinilas niya mula sa mga aklat na ipinapadala sa kanya ng tiyuhing si Marcelo del Pilar na nagpapakita naman ng pagmamahal sa bayan. Layunin niya ay ituwid ang mga maling paratang ng mga kastila sa mga Pilipinong Repormista.

   Si del Pilar ay unang nag-aral kay Maestro de la San Jose at pagkatapos ay nagpatuloy sa paaralan ng mananagalog na si Pedro Serrano Laktaw. Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila noong 1880 at tumira sa bahay ng kanyang tiyo na si Deodato Arellano kung saan sinasabing itinatag ang Katipunan. Nahikayat siyang maging mensahero ng mga Propagandista at dahil doon natanim sa kanyang murang isipan ang gawain ng katipunan. Sa murang isipan ni del Pilar natimo ang mapanganib na buhay ng isang mensahero ng mga Propagandista. Noong Marso 1896, nagtapos siya sa Ateneo sa kursong Bachiller en Artes. Hindi nagkaroon ng katuparan ang pangarap niyang makapagturo sapagkat sumiklab ang himagsikan. 

   Sa murang gulang sumapi siya sa Katipunan. Naging pinuno ng mga katipunero at sumanib siya sa tropa ni Col. Vicente Enriquez kung saan napalaban siya at bunga ng maigting na pagtatanggol siya ay nahirang bilang tinyente sa gulang na 19. Ginawa siyang heneral ng isang brigada sa gulang na 22. Ang pagsalakay niya sa Paombong, Bulakan at Quingwa (ngayon ay Plaridel, Bulakan) ang nagpatanyag sa kanya. Humanga sa kanya si Aguinaldo kaya itinaas ang kanyang ranggo bilang Tinyente-Koronel. Siya ang nanguna sa labanan sa Bulakan kung saan pinalaya niya ito mula sa pagkakasakop.

   Nang mamatay si Hen. Antonio Luna si del Pilar ang humalili sa maliit na hukbo ni Aguinaldo. Nang tanghalin siyang punong tagapagtanggol ni Heneral Emilio Aguinaldo ay lagi niyang pinangangalagaan ang seguridad ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sinasabing kung nasaan ang Pangulo ay naroon ang bansang pinamumunuan nito. Nang masukol na ng mga Amerikano ang Pampanga ay mabilis na nagpunta si Aguinaldo sa Nueva Ecija patungong Tarlac pagkatapos ay sa Nueva Viscaya. Habang papunta sa Cagayan at sa Isabela, pinagsikapan ni Gregoriong bantayan ang Pasong Tirad sa lalawigang Bulubundukin upang hindi masundan ang Presidente.

   Ang 60 kataong sundalo ni Gregorio ay hindi katapat ng 300 sundalo ni Major March pero nagpakatatag si Gregorio sa pagbabantay sa lagusan. Sa kasamaang palad, isang espiyang Pilipino ang nagturo sa isang makitid na daan. Nakaakyat dito ang mga Amerikanong nakasilip sa kinaroroonan ni Gregorio.

   Sa isang kisapmata ay bumagsak sa hagdanang bato ang malamig na bangkay ng batang-batang sundalo. Sa matapat na pangangalaga sa pinuno, isang bayani ang nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan ng sambayanan.

   Sa animnapung sundalong Pilipino, walo lamang ang nabuhay upang makapag-ulat kay Aguinaldo. Sinasabing ninakaw ng mga puti ang lahat ng kasuotan ng pinatay na Heneral. Salamat kay Tinyente Dennis Quinlan na nakakita sa hubad na bangkay matapos ang ikalawang araw. Pinabihisan niya ito, ipinalibing at pinarangalan sa isang lapida na nagsasaad na si Gregorio del Pilar ay dapat daw tanghalin bilang "Isang Opisyal at Isang Ginoong Dapat na Igalang."

   Ang mortal na katawan ni Heneral Gregorio del Pilar ay nawalan ng buhay noong Disyembre 2, 1899. Sa araw na ito lalong nagningning ang kabayanihan at katapatan ng isang batang-batang Heneral na dati-rati'y tinatawag na Goyo ng kaniyang mga kababayan.











Thursday, May 14, 2020

KILALANIN SI DIEGO SILANG BAYANING FILIPINO




DIEGO SILANG 
( 1730- 1763 )

   Si Diego Silang y Andaya (Disyembre 16, 1730 – Mayo 28, 1763) ay isang Pilipinong rebulosyunaryong pinuno na nakipagsabuwatan sa mga puwersang Britanyo upang patalsikin ang pamahalaang Kastila sa hilagang bahagi ng Pilipinas. Ang kanyang mga magulang ay sina Miguel Silang at Nicolasa Delos Santos.
   Noong siya ay bata pa, nagtrabaho si Diego bilang katulong ng kura- paroko ng Vigan. Doon siya naging mahusay magsalita ng wikang Kastila. Siya ay nagtrabaho bilang mensahero ng pari. Dinadala niya ang mga sulat mula sa Vigan papuntang Maynila sa pamamagitan ng bangka. Sa isa sa kanyang paglalakbay, ang kanyang bangka ay inatake ng mga katutubong Zambal sa baybayin ng Zambales. Ang ilang sakay ay nalunod at pinatay ng mga katutubo. Si Diego naman ay nakaligtas ngunit naging bihag. Siya ay pinalaya sa pamamagitan ng ransom na pinadala ng mga misyonaryong Rekoleksyonista.

   Pinakasalan niya ang biyudang si Gabriela na tubong Santa, Ilocos Sur. Sila ay 27 taong gulang nang ikasal.

   Nang nasa Maynila si Diego, at naghihintay sa Galleon, nakita niya na maraming mga atakeng barko ang mga Ingles sa Maynila de Bay. Noong Setyembre 24, 1762 inatake ng hukbong Ingles ang Maynila. Nasakop ang Maynila noong Oktubre 1762. Ang pagsakop ay kabilang sa Pitong Taong Digmaan.

   Napansin ni Diego na humihina ang hukbong Kastila at dito nya naisipang mamuno ng kilusang rebolusyonaryo sa Hilagang Luzon. Lumakas ang pwersa nito. Nagtatag siya ng sariling kampo sa isang mataas na bundok na kung saan matatanaw ang kabuuan ng lalawigan ng Vigan. Ito ay kilala ngayon bilang Bundok ng Silang.

   Si Diego Silang ay isang mahusay na pinuno at disiplinadong militar. Upang magkaroon ng pondong panustos, siya ay nanghingi ng tulong sa mga mayayaman at mahihirap na tao, depende na rin sa kakayahan ng mga ito.

   Habang abala ang mga Kastila sa pagkuha muli ng Maynila, iniutos ng pamahalaan na sumuko si Silang. Hindi sumuko si Silang at sinubukan pang makipagsanib pwersa sa mga Ingles. Sumulat siya ng liham sa pamahalaang Ingles sa pamumuno ni Lt. Gen. Dawson Drake. Dito niya kinilala ang pagsakop ng Maynila. Binigay niya ang kanyang pagsuporta kapalit ng pagkilala sa kanya bilang Sarhento Mayor at Alcalde Mayor ng Ilocos. Hiningi rin nya ang pagkilala sa pagtalaga ng mga opisyales sa Ilocos.

   Sa ilalim ng pamumuno ni Diego Silang, binigyan niya ng pagkakataong mamuno ang kapwa Pilipino. Lahat ng mga tinanggal na Kastilang opisyal ay pinalitan niya ng mga karapat-dapat na Ilokanong sibil at opisyal-militar na naaayon din naman sa kagustuhan ng kanyang nasasakupan. Ang kanyang mga makatarungang batas ay ipinahayag sa iba't ibang bayan.

   Nagpatawag ang mga opisyales ng Espanya (Audencia) sa Maynila sa pamumuno ni Simon de Anda at nag-alok ng pabuya kung sino man ang makakapatay kay Diego Silang. Noong Mayo 28, 1763, binisita ng nagpanggap na mga kaibigan si Diego sa kanyang kuta sa Casa Real sa Vigan. Pataksil siyang binaril kapalit ng pabuya ng Audiencia.

   Sa edad na 32, si Diego Silang ay binawian ng buhay. Dahil sa kanyang husay na pamumuno, siya ay tinaguriang Liberator ng Ilocos. Tinuloy ng kanyang asawang si Gabriela ang laban. 

Sunday, May 10, 2020

KILALANIN SI APOLINARIO MABINI ANG DAKILANG LUMPO BAYANING FILIPINO


   Si Apolinario Mabini ay kilala bilang ang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko". Siya ay isang teyoresta na nagsulat ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas noong 1899-1902. Siya ay naglingkod bilang ang kauna-unahang Punong Ministro noong 1900 na makikita sa sampung-pisong barya na isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Ipinanganak si sa Talaga, Tanauan, Batangas sa mahihirap na mga magulang na sina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan.

   Nakagisnan na niya ang hanapbuhay ng kanyang mga magulang na pagtatanim ng kung anu-anong mga gulay. Kahit naghihikahos, nagsikap ang kanyang pamilya upang itaguyod ang kanyang pag-aaral sa Maynila.

   Nagtatrabaho siya habang nag-aaral sa San Juan de Letran at sa Unibersidad ng Santo Tomas. Habang nag-aaral ay sumapi siya sa "La Liga Filipina" ni Jose Rizal at naging aktibo siyang miyembro. Nagtapos siya ng Abogasya noong 1894. 

   Taong 1896 ng magkasakit siya ng "paralysis" na naging dahilan ng kanyang pagkalumpo. Lihim siyang ipinatawag ni Aguinaldo at ginawa siyang Opisyal na Tagapayo.Nang pasinayaan ni Aguinaldo ang Pamahalaang Republika inatasan niya si Mabini bilang Kalihim Panglabas at Pangulo Ng Mga Konseho. Sa panahong ito isinulat niya ang kanyang tanyag na akdang " Tunay na Dekalogo".

   Taong 1899 nang si Mabini ay dakipin at ipinabilanggo ng mga Amerikano sa Nueva Ecija. Sa kulungan ay kanyang isinulat ang "Pagbangon at Pagbagsak ng Himagsikang Filipino".

   Enero 5,1901 ng siya ay ipinatapon sa Guam kasama ng iba pa. Ngunit nagbalik siya sa bansa noong Pebrero 1903 kapalit ng Panunumpa ng Katapatan sa pamahalaan ng Estados Unidos. Nakumbinsi siyang kilalanin ang kapangyarihan ng mga Amerikano sapagkat naisip niya na malulutas lamang ang suliranin ng Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan. 

   Namatay siya sa sakit na Kolera sa edad na 39 noong Mayo 13, 1903 sa Nagtahan, Maynila.

Saturday, May 9, 2020

KILALANIN SI HEN. ANTONIO LUNA BAYANING FILIPINO



HEN. ANTONIO N. LUNA
( 1869-1899 )
Dakilang Heneral

   Si Antonio Luna ay ipinanganak noong Oktubre 29, 1869 sa Urbis Tondo, Maynila. Kapatid niya ang kilalang pintor na si Juan Luna. Ang mga magulang nila ay sina Joaquin Luna at Laureana Novicio. 

   Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila at Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtungo siya sa Barcelona at doon siya nagtapos ng Parmasya.

  Habang nasa Espanya ay nakahalubilo niya doon sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena at Marcelo H. del Pilar. Sama-sama nilang ipinaglaban doon ang kapakanan ng mga kababayan nila sa Pilipinas.

   Nang siya ay umuwi sa Pilipinas ay naglingkod siya bilang Chemist sa Municipal Laboratory ng Maynila. Isa rin siyang mahusay na manunulat. Sumulat siya ng mga artikulo sa "La Solidaridad" noong panahon ng Propaganda. Dahil doon, siya ay ipinatapon sa Espanya, at ibinilanggo sa Madrid sa hinalang siya ay kasapi ng mga manghihimagsik. Nagbalik siya sa Pilipinas.

   Nang sumiklab ang digmaan ng mga Amerikano at Pilipino siya ay sumama sa mga manghihimagsik ni Heneral Emilio Aguinaldo. Dahil sa kanyang galing at katapangan ginawa siyang Kalihim-Digma sa Republika ng Pilipinas. Nagtatag siya ng Military Academy para ihanda niya ang Hukbong Pilipino na lalaban sa mga Amerikano. Nabingit siya sa kamatayan ng sumuong siya sa mahigpit na labanan sa La Loma. Natalo siya sa pakikipaglaban ngunit hindi siya sumuko. Siya ay tunay na bayaning nagmahal sa kanyang bayang tinubuan. Ipinaglaban niya ang kalayaan nito hanggang sa kanyang huling hininga.

   Noong Hunyo 5, 1899 ay napatay siya ng mga sundalo sa Nueva Ecija sa gulang na 30. Bago pa man mangyari iyon ay nakagawa na siya ng sulat na nagsasabing ang kanyang ari-arian ay mapupunta sa kanyang ina, at ang kanyang katawan ay ibabalot sa bandila ng Pilipinas bago ilibing.

Friday, May 8, 2020

KILALANIN SI JOSE RIZAL BAYANING FILIPINO


   Si Jose Protacio Rizal ay ang pambansang bayani ng Pilipinas. Isinilang siya noong Hunyo 19,1861 sa Calamba, Laguna. Ikapito siya sa labing isang magkakapatid. Ang mga magulang niya ay sina Fransisco Rizal Mercado at Teodora Alonzo Realonda. Ang kanyang ina ang una niyang naging guro. Maagang nalantad si Rizal sa mga pang-aabusong ginawa ng mga kastila sa mga Pilipino. Sa edad na labing isang taon labis na nabuo sa kanyang isip ang panggagarote sa tatlong paring martir na sina Padre Gomez, Burgos, at Zamora.

   Pumasok siya sa Ateneo at nagtapos dito ng Bachelor in Arts na may mataas na karangalan. Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kumuha siya ng Pilosopiya at Medisina. Noong 1882 siya ay nagtungo sa Europa. Nag-aral siya ng Medisina sa Universidad de Central sa Madrid, Espanya at nagtapos noong 1885. Samantalang siya ay nasa Europa, nakibahagi siya sa pagtuligsa sa mga pang-aapi at kalabisan ng mga Kastila sa Pilipinas. Kasama ang ilang dakilang Repormista tulad nina Graciano Lopez Jaena humingi sila ng pagbabago. Isinulat niya ang "Noli Me Tangere" sa Berlin noong 1887 at " El Filibusterismo" sa Belgium noong 1891.

   Noong 1892, nagbalik si Jose Rizal sa Pilipinas kahit na alam niya ang panganib na naghihintay sa kanya bunga ng kanyang mga isinulat. Ipinagpatuloy niya ang kanyang makabayang gawain at noong Hulyo 3,1892 itinatag niya ang " La Liga Filipina". Pagkatapos ng ilang linggo dinakip siya at ipinatapon sa Dapitan. Nagpresinta siyang maipadala sa Cuba bilang manggagamot subalit habang nasa biyahe patungo roon ay dinakip siya at ibinalik sa Pilipinas. Ipiniit siya sa Fort Santiago kung saan isinulat niya ang "Mi Ultimo Adios" at pinatay siya bilang martir noong Disyembre 30, 1896.

   Dito nagtapos ang buhay ni Rizal at pagsisimula ng bagong pag-asa ng henerasyon. 


KILALANIN SI ANDRES BONIFACIO BAYANING FILIPINO


   Si Andres Bonifacio ang nagtatag ng Katipunan. Siya ay ipinanganak sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 30, 1863. Ang mga magulang niya ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro na isang mestisang Espanyol at nagtatrabaho sa isang pabrika ng sigarilyo. Nagsimula siyang mag-aral sa Don Guillermo Osmena sa Meisik subalit naulila siya sa gulang na labing-siyam (19) kaya napilitan siyang huminto sa pag-aaral.

   Naghanapbuhay siya para sa kanyang mga nakababatang kapatid. Nagsikap na lang siyang mag-aral sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat. Natuto siyang gumawa at magbenta ng mga pamaypay na papel at mga baston. Naging mensahero siya ng Fleming and Co. At pagkaraan ay naging ahente dito. Ilan sa mga librong nabasa niya ay ang Himagsikang Pranses, Buhay at Gawa ng mga Pangulo ng Estados Unidos at iba pang mga makasaysayang aklat.

   Hinubog ng mga aklat na ito ang utak ni Bonifacio. Noong Hulyo 7, 1892 si Andres Bonifacio kasama ng ilang kilalang tao ay patago at lihim na nagtipon sa Azcarraga, Maynila upang itatag ang KKK o "Kataas-taasan Kagalang- galangang Katipunan". Subalit noong pagkaraan ng apat na taon ito ay natuklasan ng mga awtoridad at binalak buwagin.

   Dahil dito pinasimulan ni Bonifacio at ng mga Katipunero ang himagsikan noong Agosto 23 sa pamamagitan ng pagsigaw sa Pugaw Lawin kung saan pinunit nila ang kanilang mga sedula. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo tungkol sa pamumuno. Dinakip si Bonifacio sa salang pagtataksil sa bayan. Nahatulan siya ng kamatayan at pinatay ng mga sundalo sa bundok ng Tala, Cavite noong Mayo 10, 1897.

Saturday, May 2, 2020

Mga Anyong Tubig sa Pilipinas


 Ang anyong tubig ay kahit anumang makahulugang pag-ipon ng tubig na tinatakpan ang ibabaw ng isang planeta katulad ng Daigdig.


Ang mga halimbawa ng Anyong Tubig ay karagatan, dagat, lawa, tsanel, talon, look, kipot, golpo, ilog, batis, sapat at bukal.

1. Karagatan- Ang karagatan ay ang pangunahing bahagi ng anyong tubig, at  prinsipal na bahagi ng kalawakan ng tubig o hidrospera.Tinatayang nasa 72% ng ibabaw ng Daigdig ang natatakpan ng karagatan.






2. Dagat- Ang dagat ay isang malaking lawas ng tubig-alat na nakadugtong sa    isang karagatan, o ng isang malaking lawang-alat na walang likas na lagusan.




3. Lawa- Ang lawa ay isang anyong tubig na pinapalibutan ng lupain. Karamihan sa mga lawa sa daigdig ay tubig tabang, at halos lahat ay matatagpuan sa Hilagang Hemispero. Tinatawag namang mga panloob na dagat ang mga malalaking lawa.

                                       


4. Tsanel- Ito naman ay isang malawak na anyong tubig na makikita sa pagitan ng dalawang pulo. Dito lumalakbay ang mga barko upang pumunta mula sa isang pulo hanggang sa isa pang pulo.
                     
                                       


5. Talon- Ang talon ay mga daloy ng tubig mula sa isang mataas hanggang sa    mababang bahagi ng isang pook. Nabubuo ang mga ito kapag dumadaloy  ang tubig mula sa isang lugar na may matitigas na mga batuhan patungo sa mas mabubuwag o mahihinang uri ng lupa, yelo o bato.

                                         


6. Look- Ang look ay isang baiya na maaaring gamitin bilang kanlungan ng sasakyang pandagat,katulad ng mga bapor, partikular na kung may malalakas na mga bagyo. Ito ang tinatawag na "braso" ng isang dagat. Golpo ang tawag sa malalaking look.

                                           


7. Kipot-  Ang kipot o kakiputan ay isang makitid na lagusan ng tubig sa pagitan ng dalawang pulo. Ito ay isang anyong tubig na napakakitid na pinagitnaan ng dalawang anyong lupa.

                                               


8. Golpo- Isang bahagi ng karagatan na makikita sa pagbubukas ng dagat.

                                    


9. Ilog- Ang ilog ay isang malaking likas na daanang tubig. Maaaring pinagkukunan nito ang isang awa, isang bukal o pagtitipon ng maliit na mga batis. Ito rin ay kilala bilang agos. Mula sa pinagkukunan, dumadaloy pababa ng isang burol ang lahat ng mga ilog, na kadalasang tumitigil sa mga karagatan. Ang mga ilog ay mahalaga dahil ito ay nagbibigay ng inumin sa mga tao noong panahon ng prehistoriko, at ito ay itinuturing na pinagmumulan ng mga kabihasnan. 

                                     


10. Batis- Ang batis ay isang anyong tubig na may patuloy na agos sa pinanggagalingan nito. Mayroon itong tubig sa ibabaw na dumadaloy sa  ilalim nito at sa mga pampang ng isang kanal. Karaniwan nang malinis at malamig ang tubig sa batis na madalas matatagpuan sa gitna ng mga kakahuyan sa gubat. 

                                          


11. Sapa- Ang sapa ay maaring tumukoy sa maliit o katamtamang batis na maaring tuyo sa mahabang  tag-init o tagtuyot. Ito ay mas maliit na ilog. Mas mababaw at mas maliit pa kaysa sa batis. Ginagamit ito nga mga magsasaka para ipatubig ang kapatagan.

                              


12. Bukal- Ang pinakamaliit na anyong tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa na maatring mainit o malamig.