Saturday, March 25, 2023

Ang Alamat ng Ampalaya Animation with Audio Guide

 

 

  Noong araw sa bayan ng Sariwa, naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit. 

  Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag. 

  Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay.

  Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot. 

  Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan. Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya. 

  Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. 

  Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha niya sa mga kapwa niya gulay ay ibinigay sa kanya.

  Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito.

  Mula noon, naging madilim na luntian ang kulay ni Ampalaya. Ngayon kahit naging masustansiyang gulay na si Ampalaya ay marami ang hindi nagkakagusto sa kanya. Pero alam niyo nagsisisi na si Ampalaya. 

  Sa susunod na makita niyo siya sa inyong pinggan ay subukan niyo siyang tikman at patawarin sa kanyang mga kasalanan.



Ang Alamat ng Kalabasa Animation with Audio Guide

 

Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Polio ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.



Tuesday, March 7, 2023

ANG ALAMAT NG PECHAY WITH AUDIO GUIDE


ANG ALAMAT NG PECHAY
with Audio Guide 


   Sa isang nayon sa Bungahan ay may mag-anak na naninirahan na ubod ng ingay.Maraming mga puno at halaman sa lugar na iyon.


  Madalas na inuutusan ng nanay ang kanyang mga anak na sina Fe at Chai na mamitas ng mga bunga ng puno at halaman.Pilyo ang magkapatid kaya madalas mapagalitan at nasisigawan ng kanilang ina.


 Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na manguha ng mga bunga sa kakahuyan.Masayang-masaya at patakbo-takbo sina Fe at Chai papuntang kakahuyan ngunit sa halip na manguha ng bunga ay panay laro lamang ang ginawa.Namahinga sila sandali sa maliit na kubo.Matapos mamahinga ay naghabulan ulit ang dalawa, nakakita sila ng maliit na kweba.


  Pumasok sila upang maglaro.Sa kasamaang palad hindi na nakalabas ang dalawang bata.Labis na nag-alala ang kanilang ama at ina dahil madilim na ay wala pa ang kanilang mga anak.


“Tay, gabi na ay wala pa sina Fe at Chai nasaan na kaya sila? ” Wika ng ina.


“Baka naman pauwi na sila, alam mo naman ang mga iyon kapag inutusan mo ay may kasamang laro kaya matagal.” Wika naman ng ama.



  Naidlip na ang mag-asawa ngunit paggising nila ay wala pa rin ang magkapatid.


“Tay, bukas na bukas pagbukang-liwayway ay hanapin mo sila sa kakahuyan.” Ang nag-aalalang tinig ng ina.


“Oo sige mabuti pa maghapunan na tayo at baka nakatulog na sina Fe at Chai roon sa ating kubo sa kakahuyan.” Wika ng ama.


  Kinaumagahan ay hinanap ng kanilang ama ang magkapatid habang abala naman ang ina sa pagdidilig ng mga tanim na gulay.


“Nalibot ko na ang buong kakahuyan at kubo natin pero wala roon sina Fe at Chai.” Ang malungkot na wika ng ama.



  Napaiyak na lamang ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang mga anak.


  Lumipas ang maraming araw ngunit tahimik sapagkat walang pinagagalitan o sinisigawan ang mag-asawa.Bakas ang lungkot sa mukha ng mag-asawa at pagkasabik sa mga anak.Habang nagdidilig ng mga tanim na gulay may napansin ang ina na kakaibang gulay na tumubo sa kanilang taniman.Animo’y mga batang paslit ng biglang lumilitaw.


“Tay, tingnan mo may mga kakaibang gulay dito sa ating taniman.” Nagmamadaling wika ng ina.


“Oo nga biglang dumami at nagsulputan ang mga iyan, naalala ko sina Fe at Chai na bigla na lamang sumusulpot.” Wika ng ama.


“Ano kaya ang tawag sa gulay na ito? ” Tanong ng ina.


“Tawagin natin itong PETSAY bilang alaala sa ating mga anak na sina Fe at Chai.” ang naiiyak na tinig ng ama.