Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere Kabanata 41: Dalawang Panauhin

  


  Dahil sa nangyari hindi dalawin ng antok si Ibarra, kaya naisipan nitong gumawa sa kaniyang laboratoryo. Pamaya-maya pumasok ang kaniyang utusan at sinabing mayroon siyang panauhing taga-bukid. Pinapatuloy niya ito ng hindi man lamang lumilingon. Ang kaniyang panauhin ay si Elias.

  Tatlo ang pakay ni Elias sa pagpunta niya kay Ibarra. Una, ay upang ipaalam na nilalagnat o may sakit si Maria Clara. Ikalawa, magpapaalam na siya kay Ibarra sapagkat nakatakda siyang magtungo sa Batangas at ikatlo, itatanong niya sa binata kung wala itong ipagbibilin sa kaniya. Hinangad ni Ibarra ang maluwalhating paglalakbay ni Elias.

  Hindi nakatiis si Ibarra kung paano napatigil ni Elias ang kaguluhang nangyari sa liwasan. Sinabi ni Elias na kilala niya ang magkapatid na namumuno sa panggugulo. Ang mga ito ay mga sibil. Pero dahil sa may utang na loob ang magkapatid kay Elias, sila ay madaling napakiusapan nito. Hindi na kumibo si Ibarra, kaya nagpaalam na si Elias.

  Nagbihis at nanaog na si Ibarra habang sinisisi ang sarili sa pagkakasakit ng kasintahan. Tutungo siya sa bahay ni Kapitan Tiyago. Sa daan nakasalubong niya ang isang maliit na lalaking nakaitim at may pilat sa kaliwang pisngi. Ito ay si Lucas at kapatid ng taong madilaw na namatay sa pagbubuhos ng unang bato sa paaralan. Nabanas ng husto si Ibarra sa pangungulit ni Lucas na kung magkano raw ang ibabayad sa pamilya ng kaniyang kapatid. Sinabi ni Ibarra na babalik na lamang si Lucas dahil dadalaw ito sa isang maysakit. Saka na nila pag-uusapan ang tungkol sa pagbabayad. Mauubos na ang pagtitimpi ni Ibarra, kaya tinalikuran niya kaagad si Lucas.

  Sinundan ng masamang tingin ni Lucas si Ibarra sabay bulong sa sariling si Ibarra ay apo nga talaga ng nagbilad sa init sa kaniyang ama at iisa ang dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat. Subalit kapag ito (Ibarra) ay mahusay magbayad ng mataas, sila ay magiging mabuting kaibigan.

No comments:

Post a Comment