Tuesday, December 12, 2023

Ang Alamat ng Pinya Animation with Reading Guide

Ang Alamat ng Pinya 
  Noong unang panahon ay may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya, lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na
alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina.

  Isang araw, nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw.Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa. Napagsilbihan naman siya kahit
paano ng anak.

  Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na 'di makita at agad
tinatanong ang kanyang ina.

  Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: ” Naku!
Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong ng tanong sa akin."

  Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay 'di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.

  Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.

  Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niya itong mabuti hanggang sa ito’y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.

  Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap.

  Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang.

  Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang Pinang ay naging pinya.

Sunday, April 23, 2023

Ang Alamat ng Pipino with Audio Animation

 


Ang Alamat ng Pipino 

  Noong araw, sa Lumang Taal, Balangay ng Batangas, ay may mag-asawang sina Mang Rupino at Aling Paula at ang kanilang anak na lalaki na si Tirso. Ang Amang si Rupino ay napakatamad at sugarol pa. Kaya kailangang magsumikap ni Aling Paula upang sila'y mabuhay.  

  Isang araw, si Aling Paula ay nagluto ng pananghalian. Pinakiusapan niya ang asawa na magsibak ng kahoy upang may maigatong sa niluluto. Matagal ding nakiusap si Aling Paula bago napasunod si Mang Rupino. Datapwa't hindi pa halos nangangalahati ng pagsibak, si Mang Rupino ay huminto na.

  "Paula, Paula," ang sigaw ni Rupino buhat sa ibaba, "napakasakit ng ulo ko. Para bang mabibiyak. Bigyan mo nga ako ng piso at bibili ako ng gamot."

  Nalalaman ni Paula na si Rupino ay nagdadahilan lamang, marahil ay tinatamad at sinusumpong ng pagsusugal.

  "Saan ba ako kukuha ng piso?" ang sagot ni Aling Paula. "At saka anong sakit ng ulo ang sinasabi mo? Ang totoo'y ibig mo lamang magsugal. Kung ayaw mong magsibak ng kahoy ay umalis ka na at ako na ang magsisibak."

  Si Mang Rupino ay agad na umalis na ngingiti-ngiti pa. Tinantiya muna niyang luto na ang pagkain bago siya bumalik. 

  "Paula, maghain ka nga," ang utos niya sa asawa. "Nagugutom ako."

  Si Aling Paula naman na nakalimot na ng kanyang galit ay madaling sumunod.

  "Tirhan mo ng kaunting kanin at kaunting ulam si Tirso," ani Aling Paula. "Siya'y hindi pa kumakain sapagka't inutusan ko."

  Ngunit nasarapan si Mang Rupino sa pagkain. Nang maalaala niya ang pagtitira ng kaunting kanin at ulam kay Tirso ay naubos na niyang lahat ang kanin at ulam.

  Nang dumating si Tirso at maghalungkat sa paminggalan ay nakita niyang ubos ng lahat ang ulam at kanin.

  "Inay, wala na pong ulam at kanin a," ang maiyak-iyak na sumbong ni Tirso. "Simot na simot po ang mga palayok."

  "Rupino, hindi mo ba tinirhan ng pagkain ang anak mo?" ang usisa naman ni Aling Paula.

  "Aba, tinirhan ko," ang pagsisinungaling ni Mang Rupino. "Baka kinain ng hayop." Hinanap niya ang kanilang pusa at aso. Ang mga hayop ay pinagpapalo ni Mang Rupino hanggang sa ang pusa at aso ay magtalunan sa batalan.

  Lumipas ang mga araw. Noon ay tag-ani na ng palay. Upang may-roon silang makain, ang mag-inang Paula at Tirso ay tumulong sa pag-aani ng palay sa kanilang mga kapitbahay na may mga palayan. Ang palay na iniuupa sa kanila ng kanilang mga tinutulungan ay itinatago nila sa isang bangang malaki sa kanilang silid.

  Isang araw, sa paghahalungkat ni Mang Rupino sa loob ng silid ay natagpuan niya ang banga ng palay. Nang makita niyang mapupuno na halos ang banga ay napangiti ito ng lihim. Alam na niya ang kanyang gagawin. Mapaglalalamangan na naman niya si Aling Paula.

  Nang dumating ang mag-ina buhat sa bukid ay dinatnan nila si Mang Rupino na naghihimas ng manok. Si Mang Rupino ay mukhang malungkot na malungkot.

  "Aba, ano ang nangyayari sa iyo?' ang usisa ni Aling Paula. "Bakit pang Biyernes Santo ang mukha mo?"

  "Masama ang nangyari, e," ang simula ni Mang Rupino. "Natalo ako sa tupada."

  "O, e ikaw ba naman ay nanalo na," ang wika ni Aling Paula. "Ang ipinagtataka ko sa iyo ay kung saan ka kumukuha ng ipinatatalo."

  "Iyon na nga ang sasabihin ko sa iyo. Nakita ko ang palay na tinipon ninyo sa banga sa silid at ipinagbili ko. Ang iniisip ko ay kung iyong pinagbilhan ay maparami ko ay gugulatin kita. Nguni't talaga yatang minamalas ako - lahat ng pinagbilhan ko ay natalo."

  Si Aling Paula at si Tirso ay hindi nakakibo. Si Aling Paula ay nanlambot na lamang at nangilid ang luha. Pumanhik silang mag-ina sa bahay na malatang-malata ang katawan.

  Si Mang Rupino ay maliksing tumayo nang makapanhik na si Aling Paula at si Tirso. Tuwang-tuwa siya samantalang siya'y nagbibihis. Ang totoo'y hindi pa natatalo ang sampung pisong pinagbilhan niya ng palay. Ang limang piso ay nasa bulsa niya at ang lima pa ay itinago niya sa loob ng lambat na nakasuksok sa kanilang silong. Ang limang pisong nasa bulsa niya ay dadalhin niya sa sugalan. Kung sakaling matalo iyon ay maaari pa siyang umuwi at kumuha ng puhunan

  "Inay, paano ang gagawin natin ngayon?" ang tanong ni Tirso nang nakaalis na si Mang Rupino. "Nasayang lamang ang pagod natin."

  "Bayaan mo na anak, at ako'y maghahanap ng maipagbibili," ang wika ni Aling Paula. "Makararaos din tayo sa awa ng Diyos."

  Si Aking Paula ay naghalungkat ng anumang maipagbibili sa loob ng bahay nguni't wala siyang makita. Nanaog siya at nagbakasakaling sa silong ay may makita siya. At hindi nga siya nagkamali sapagka't namataan niya agad ang lambat na nakasabit sa isang haligi. Ang lambat ay kinuha ni Aling Paula at madaling dinala sa Intsik at ipinagbili ito. Ang pinagbilhan ay ibinili agad ni Aling Paula ng kalahating kabang bigas at ng maiuulam na nila ng marami-raming araw.

  Si Aling Paula ay kasalukuyang nagluluto nang si Mang Rupino ay dumating na humahangos.

  "Kakain ka na ba?" ang tanong ni Aling Paula. "Malapit nang maluto ang ulam."

  "Huwag mo akong abalahin," ang payamot na sagot ni Mang Rupino at nanaog uli. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silong.

  Walang anu-ano ay mabilis na umakyat sa hagdan si Mang Rupino.

  "Ang lambat? Nasaan ang lambat?" ang humahangos niyang usisa. "Ano ang ginawa mo sa lambat?"

  "Ha? Lambat?" ang walang tutong sagot ni Aling Paula. "A, ang lambat. Ipinagbili ko at ang pinagbilhan ay ibinili ko ng kalahating kabang bigas at ng maraming ulam."

  "Ipinagbili mo! Ang ipinagbili mo ay may lamang limang piso!" Si Mang Rupino ay nanginginig na lumapit sa asawa. Sinampal niya ito nang ubos-lakas, sinuntok at sinipa. Hindi pa yata nagkasiya roon ay hinawakan niya sa ulo si Aling Paula at ipinukpok nang ipinukpok ang ulo nito sa dingding ng bahay. "Hindi mo ba nalalamang itinago ko sa lambat ang kalahati ng pinagbilhan ko sa palay?"

  "Diyos ko!" ang panangis ni Aling Paula nang lubayan na siya ng kagugulpi ni Mang Rupino. "Labis-labis na po ang mga pagtitiis namin ng anak ko sa taong ito. Diyos ko, kaawaan mo po kami! Maano pong kunin Mo na ang taong ito at ng kami naman ng anak ko ay makatikim ng ginhawa!"

  At anong laking himala ang nangyari. Isang napakatalim na kidlat ang biglang gumuhit, kidlat na sinundan ng kulog na nakatutulig. Si Aling Paula at Mang Rupino ay kapwa nawalan ng malay-tao.

  Nang si Aling Paula ay pagsaulan ng hininga ay nakita niyang si Mang Rupino ay maitim na maitim at patay na. Siya pala ay tinamaan ng kidlat. Samantalang pinagmamasdan niya ang mukha ng asawa ay may narinig siyang isang tinig na nagsasabi ng ganito: "Ibaon mo sa inyong halamanan ang bangkay ng iyong asawa. Sa puntod ng kanyang libingan ay may sisipot na isang halaman. Alagaan mong mabuti ang halamang iyan sapagka't iya'y pakikinabangan ninyo. Si Rupino ay di nakatulong sa inyo noong siya'y nabubuhay. Ngayong siya'y patay na ay makakatulong na sana siya sa inyo."

  Hindi naman naglaon at isang baging na maganda at malusog ang sumipot sa puntod ng libingan ni Mang Rupino. Ang baging ay madaling lumaki at namunga, at nang anihin ni Aling Paula ang mga bunga ng baging at kanilang kanin ay anong sarap ng mga iyon sa panlasa. Ang baging na iyon ang unang pipino sa daigdig. At sapagka't ang baging ay sumipot sa puntod ni Rupino, tinawag itong PIPINO.


Saturday, March 25, 2023

Ang Alamat ng Ampalaya Animation with Audio Guide

 

 

  Noong araw sa bayan ng Sariwa, naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit. 

  Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag. 

  Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay.

  Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot. 

  Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan. Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya. 

  Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. 

  Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha niya sa mga kapwa niya gulay ay ibinigay sa kanya.

  Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito.

  Mula noon, naging madilim na luntian ang kulay ni Ampalaya. Ngayon kahit naging masustansiyang gulay na si Ampalaya ay marami ang hindi nagkakagusto sa kanya. Pero alam niyo nagsisisi na si Ampalaya. 

  Sa susunod na makita niyo siya sa inyong pinggan ay subukan niyo siyang tikman at patawarin sa kanyang mga kasalanan.



Ang Alamat ng Kalabasa Animation with Audio Guide

 

Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Polio ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.



Tuesday, March 7, 2023

ANG ALAMAT NG PECHAY WITH AUDIO GUIDE


ANG ALAMAT NG PECHAY
with Audio Guide 


   Sa isang nayon sa Bungahan ay may mag-anak na naninirahan na ubod ng ingay.Maraming mga puno at halaman sa lugar na iyon.


  Madalas na inuutusan ng nanay ang kanyang mga anak na sina Fe at Chai na mamitas ng mga bunga ng puno at halaman.Pilyo ang magkapatid kaya madalas mapagalitan at nasisigawan ng kanilang ina.


 Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na manguha ng mga bunga sa kakahuyan.Masayang-masaya at patakbo-takbo sina Fe at Chai papuntang kakahuyan ngunit sa halip na manguha ng bunga ay panay laro lamang ang ginawa.Namahinga sila sandali sa maliit na kubo.Matapos mamahinga ay naghabulan ulit ang dalawa, nakakita sila ng maliit na kweba.


  Pumasok sila upang maglaro.Sa kasamaang palad hindi na nakalabas ang dalawang bata.Labis na nag-alala ang kanilang ama at ina dahil madilim na ay wala pa ang kanilang mga anak.


“Tay, gabi na ay wala pa sina Fe at Chai nasaan na kaya sila? ” Wika ng ina.


“Baka naman pauwi na sila, alam mo naman ang mga iyon kapag inutusan mo ay may kasamang laro kaya matagal.” Wika naman ng ama.



  Naidlip na ang mag-asawa ngunit paggising nila ay wala pa rin ang magkapatid.


“Tay, bukas na bukas pagbukang-liwayway ay hanapin mo sila sa kakahuyan.” Ang nag-aalalang tinig ng ina.


“Oo sige mabuti pa maghapunan na tayo at baka nakatulog na sina Fe at Chai roon sa ating kubo sa kakahuyan.” Wika ng ama.


  Kinaumagahan ay hinanap ng kanilang ama ang magkapatid habang abala naman ang ina sa pagdidilig ng mga tanim na gulay.


“Nalibot ko na ang buong kakahuyan at kubo natin pero wala roon sina Fe at Chai.” Ang malungkot na wika ng ama.



  Napaiyak na lamang ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang mga anak.


  Lumipas ang maraming araw ngunit tahimik sapagkat walang pinagagalitan o sinisigawan ang mag-asawa.Bakas ang lungkot sa mukha ng mag-asawa at pagkasabik sa mga anak.Habang nagdidilig ng mga tanim na gulay may napansin ang ina na kakaibang gulay na tumubo sa kanilang taniman.Animo’y mga batang paslit ng biglang lumilitaw.


“Tay, tingnan mo may mga kakaibang gulay dito sa ating taniman.” Nagmamadaling wika ng ina.


“Oo nga biglang dumami at nagsulputan ang mga iyan, naalala ko sina Fe at Chai na bigla na lamang sumusulpot.” Wika ng ama.


“Ano kaya ang tawag sa gulay na ito? ” Tanong ng ina.


“Tawagin natin itong PETSAY bilang alaala sa ating mga anak na sina Fe at Chai.” ang naiiyak na tinig ng ama.