Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere: Kabanata 20 Ang Pulong Sa Tribunal


  

  Ang tribunal ay isang malaking bulwagan na siyang pinagtitipunan ng mga makapangyarihang tao sa bayan. Nang dumating si Ibarra at ang guro, nagsisimula na ang pagpupulong. May dalawang pangkat na nakapaligid sa mesa. Ito ay binubuo ng dalawang lapian sa bayan. 

  Ang Konserbatibo ay Pangkat ng mga Matatanda. Ang isa naman ay pangkat ng mga Liberal na binubuo ng mga kabataan. Ito ay pinamumunuan ni Don Felipo. Pinagtatalunan nila ang tungkol sa pagdaraos ng pista ng San Diego. May labing isang araw na lamang ang nalalabi at pista na. Tinuligsa ni Don Felipo ang Tenyente Mayor at Kapitan dahil malabo pa ang mga paghahanda sa piyesta.

  Ang gusto ng mga Konserbatibo ay isang marangya at magarbong kapistahan. Nais nila na maging masaya ang mga Alkalde at Prayle sa gaganapin na selebrasyon. Gusto ng mga ito na magdaos ng dalawang araw na kapistahan at bubuksan ang lahat ng bahay pasugalan. Kasabay nito ay ang pagtatapon ng mga pagkain sa lawa alinsunod na rin sa tradisyon ni Sila (isang kilalang diktador na Romano). Ang mga mungkahing ito ay sinalungat naman ng Partido Liberal. Ang gusto nila ay isang selebrasyon na ang taong bayan ang mapapasaya at hindi ang mga iilan lamang. Hangarin din nila ang pagtitipid ng pondo at gagamitin na lang sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.

  Kung saan-saan napunta ang kanilang pulong. Nagsalita pa si Kapitan Basilyo, isang mayaman na nakalaban ni Don Rafael noon. Walang binesa at walang kawawaan ang talumpati niya. Dahil dito, naghapag ng isang mungkahi at talaan ng mga gastos si Don Felipo. Ang mungkahi niya ay magtayo ng isang malaking tanghalan sa liwasang bayan at magtanghal ng komedya sa loob ng isang linggong singkad. Ang dulaan ay nagkakahalaga ng P160.00 samantalang ang komedya ay P1,400 na tig-P200 bawat gabi. Kailangan din ang mga paputok na paglalaanan ng P1,000. Binatikos si Don Felipo sa kaniyang mga mungkahi, kung kaya’t iniatras niya ang mga ito.

  Sumunod na nagpanukala naman ay ang Kabisa na siyang puno ng mga matatanda. Ang kaniyang mungkahi ay (1) tipirin ang pagdiriwang (2) walang paputok (3) ang magpapalabas ng komedya ay mga taga San Diego at ang paksa ay sariling kaugalian upang maalis ang mga kapintasan.

  Nawalang saysay din ang panukala ng Kabisa sapagkat ipinahayag ng Kapitan na tapos na ang pasya na Kura patungkol sa pista. Ang pasya ng Kura ay ang pagdaraos ng Anim na Prusisyon, Tatlong Sermon, Tatlong Misa Mayor at Komedya sa Tondo. Ito ang gusto ng Kura, kaya sumang-ayon na lamang ang dalawang pangkat.

  Nagpaalam si Ibarra sa guro at sinabi na siya’y pupunta sa Punongbayan ng lalawigan upang lakarin ang isang mahalagang bagay.

No comments:

Post a Comment