Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere: Kabanata 21 Kuwento ng Isang Ina

  


  Litung-lito ang isip na tumatakbong pauwi si Sisa. Ang katotohanang binanggit sa kanya ng Kawaksi ng Kura ay matinding bumabagabag sa kanyang isipan. Para siyang tatakasan ng sariling bait at pag-iisip kung paanong maililigtas niya sina Basilio at Crispin sa kamay ng mga sibil. Tumindi ang sikdo ng kaniyang dibdib nang matanaw niya habang papalapit ng kaniyang bahay ang dalawang sibil na papaalis na. Saglit na nawala ang kaba sa kaniyang dibdib. Hindi kasama ng mga sibil ang isa man sa kaniyang mga anak.

  Gayunpaman, sa sumunod na sandali, muling sinakmal ng matinding pangamba si Sisa nang makasalubong niya ang dalawang sibil. Pilit na itinatanong siya kung saan niya diumano itinago ang dalawang onsang ninakaw ng kaniyang anak. Pilit na ipinapaamin din sa kanya ang patungkol sa paratang ng Kura. Kahit na nagmakaawa si Sisa, hindi rin pinakinggan ang kaniyang pangangatwiran. Hindi siya pinaniwalaan ng mga sibil. At sa halip, pakaladkad na sinama siya sa kuwartel.

  Muling nagsumamo si Sisa, pero mistulang bingi ang kaniyang mga kausap. Ipinakiusap ni Sisa na payagan siyang mauna ng ilang hakbang sa mga sibil noong sila ay nasa kabahayan na habang sila ay naglalakad patungong kuwartel.

  Pagdating nila sa bayan, tiyempong katatapos pa lamang ng misa. Halos malusaw sa kahihiyan si Sisa. Kaagad na ipinasok siya sa kuwartel. Nagsumiksik siyang parang daga sa isang sulok. Nanlilimahid at iisa ang kaniyang damit. Ang buhok naman niya ay daig pa ang sinabungkay ng dayami. Gusot-gusot ito. Ang kaniyang isip ay parang ibig ng takasan ng katinuan.

  Sa bawat paglipas ng sandali, nadagdagan ang kasiphayuan ni Sisa. Magtatanghali na ng nabagbag ang damdamin ng Alperes. Iniutos niya na palayain na si Sisa. Hinang-hina na si Sisa. May dalawang oras din siyang nakabalandra sa isang sulok.

  Painot-inot na naglakad si Sisa hanggang sa muli siyang makarating sa kaniyang bahay. Dagling umakyat siya sa kabahayan. Tinawag ang pangalan ng mga anak. Paulit-ulit, parang sirang plaka. Ngunit hindi niya ito makita, kahit na panhik panaog ang ginawa niya. Tinungo niya ang gulod ,at sa may gilid ng bangin. Wala ang kaniyang hinahanap. Patakbo siyang bumalik sa loob ng bahay.

  Natapunan niya ng pansin ang isang pilas ng damit ni Basilio na may bahid ng dugo. Hawak ang damit pumanaog siya ng bahay at tiningnan sa sikat ng araw ang pilas ng damit na nababahiran ng dugo. Nilulukob ng matinding nerbiyos ang buo niyang katawan. Ano na ang nangyari sa kaniyang mga anak. Hindi mabatid ang nararamdaman niyang kasiphayuan.

  Naglakad-lakad siya kasabay ng pasaglit-saglit na pagsigaw ng malakas. Ang banta ng pagkabaliw ay unti-unting lumalamon sa kaniyang buong pagkatao.

  Kinabukasan, nagpalaboy-laboy sa lansangan si Sisa. Ang malakas na pag-iyak, hagulgol at pagsigaw ay nagsasalit at kung minsan ay magkasabay na ipinapakita ng kaniyang kaanyuan. Lahat ng mga taong nakakasalubong niya ay nahihintakutan sa kaniya.

No comments:

Post a Comment