Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere Kabanata 19 : Mga Kapalaran ng Isang Guro with Audio

  

  Kahit na dumaan ang malakas na bagyo, ang lawa ay hindi gaanong nabagabag. Palibhasa ito ay napapaligiran ng mga bundok. Sa tabi ng lawa, nag-uusap sina Ibarra at ang binatang guro. Itinuro ng guro kay Ibarra kung saang panig ng lawa itinapon ang labi ni Don Rafael. Ayon sa kaniya, kasama si Tenyente Gueverra noong itinapon ang bangkay. Wala siyang tanging magawa noon kundi makipaglibing.

  Malaki ang utang na loob niya kay Don Rafael. Noong bagong salta ito sa San Diego, ang Don ang tumustos sa kaniyang mga pangangailangan sa pagtuturo. Sinabi ng guro kay Ibarra na ang malaking suliranin niya at ng mga mag-aaral ay ang kakulangan ng magagastos.

  Malaki ring problema anya, ang kawalan ng pagtutulungan ng mga magulang at mga taong nasa pamahalaan. Lumilitaw na ang problema ng mga batang nag-aaral ay mga libro na karaniwang nasusulat sa wikang Kastila at ang pagmememorya sa mga nilalaman nito. Dahil din sa kakulangan ng mga bahay-paaralan, ang klase ay ginaganap sa silong ng kumbento sa tabi ng karwahe ng Kura. Nasanay ang mga bata na bumasa ng malakas. Ito ay nakakabulabog sa Kura, kaya nakakatikim ng sigaw at mura ang mga bata at guro.

  Nabanggit din ng guro kay Ibarra na dahil sa pagbabagong kaniyang ginawa, madaling natutuhan ng mga mag-aaral ang wikang Kastila. Pero siya ay nilait ni Padre Damaso sa pagsasabing ang wikang Kastila ay hindi nababagay sa katulad niyang mangmang. Ang kailangan lamang niyang matutuhan ay Tagalog.

  Ipinaris pa siya ni Padre Damaso kay Maestro Circuela, isang guro na hindi marunong bumasa ngunit nagtayo ng Eskwelahan at nagturo ng pagbabasa sa kaniyang mga estudyante. Labag man sa kaniyang kalooban, wala siyang magawa kundi ang sumunod kay Padre Damaso. Pero, nag-aral pa rin ang guro ng wikang Kastila para sa kaniyang pansariling interes.

  Sobra ang pakikialam ni Padre Damaso sa guro. Nang huminto ang guro sa paggamit ng pamalo sa pagtuturo siya ay ipinatawag ng Kura upang ipabalik sa kaniya ang paggamit ng pamalo sapagkat ayon sa kaniya mabisa ito sa pagtuturo. Tumututol man ang kaniyang kalooban, sumunod din siya sa utos sapagkat mismong mga magulang ng mga bata ay napahinuhod ni Padre Damaso na ibalik ang pamalo sa pagtuturo. Nagkasakit ang guro dahil mabigat ito sa kaniyang kalooban. Nang ito ay gumaling at bumalik sa serbisyo, kakarampot na lamang ang kaniyang tinuturuan. Sa kaniyang pagbabalik, nagkaroon ng bagong Kura. Hindi na si Padre Damaso. Nabuhayan siya ng pag-asa. Sinikap niyang isalin sa wikang Tagalog ang mga aklat na nasusulat sa wikang kastila.

  Bukod dito, dinagdagan rin niya ang mga aralin sa Katesismo, Pagsasaka, Kagandahang Asal na hango sa Urbanidad ni Hustensio at Felisa at sa Kasaysayan ng Pilipinas. Subalit, sa lahat ng mga araling ito dapat unahin ang pagtuturo ng Relihiyon ayon sa bagong Kura nang ipatawag niya ang guro. Nangako si Ibarra na tutulungan niya ang guro sa pamamagitan ng pulong sa Tribunal na kaniyang dadaluhan sa paanyaya ng Tenyente Mayor.

No comments:

Post a Comment