Sunday, May 17, 2020

KILALANIN SI GREGORIO DEL PILAR BAYANING FILIPINO


GREGORIO DEL PILAR
( 1875- 1899 )

   Si Gregorio del Pilar ay ang pinakabatang heneral na lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Siya ay isinilang sa Bulacan, Bulakan noong Nobyembre 14, 1875 kina Fernando del Pilar at Felipa Sempio. Pamangkin siya ni Marcelo del Pilar. 

   Bata pa lamang ay nauunawaan na niya ang kalagayan ng kanyang bayan. Malimit siyang tumanggap ng maliliit na aklat na naglalaman ng mga sinulat ni Rizal, Lopez Jaena, del Pilar at iba pa mula sa kanyang tiyuhin.

   Nagpakita siya ng katapangan ng pakialaman niya ang mga aklat na ipinamumudmod ng isang pari na tumutuligsa at nagpaparatang sa mga Pilipinong nagpapakasakit alang-alang sa bayan. Pinalitan niya ng mga pahina na pinilas niya mula sa mga aklat na ipinapadala sa kanya ng tiyuhing si Marcelo del Pilar na nagpapakita naman ng pagmamahal sa bayan. Layunin niya ay ituwid ang mga maling paratang ng mga kastila sa mga Pilipinong Repormista.

   Si del Pilar ay unang nag-aral kay Maestro de la San Jose at pagkatapos ay nagpatuloy sa paaralan ng mananagalog na si Pedro Serrano Laktaw. Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila noong 1880 at tumira sa bahay ng kanyang tiyo na si Deodato Arellano kung saan sinasabing itinatag ang Katipunan. Nahikayat siyang maging mensahero ng mga Propagandista at dahil doon natanim sa kanyang murang isipan ang gawain ng katipunan. Sa murang isipan ni del Pilar natimo ang mapanganib na buhay ng isang mensahero ng mga Propagandista. Noong Marso 1896, nagtapos siya sa Ateneo sa kursong Bachiller en Artes. Hindi nagkaroon ng katuparan ang pangarap niyang makapagturo sapagkat sumiklab ang himagsikan. 

   Sa murang gulang sumapi siya sa Katipunan. Naging pinuno ng mga katipunero at sumanib siya sa tropa ni Col. Vicente Enriquez kung saan napalaban siya at bunga ng maigting na pagtatanggol siya ay nahirang bilang tinyente sa gulang na 19. Ginawa siyang heneral ng isang brigada sa gulang na 22. Ang pagsalakay niya sa Paombong, Bulakan at Quingwa (ngayon ay Plaridel, Bulakan) ang nagpatanyag sa kanya. Humanga sa kanya si Aguinaldo kaya itinaas ang kanyang ranggo bilang Tinyente-Koronel. Siya ang nanguna sa labanan sa Bulakan kung saan pinalaya niya ito mula sa pagkakasakop.

   Nang mamatay si Hen. Antonio Luna si del Pilar ang humalili sa maliit na hukbo ni Aguinaldo. Nang tanghalin siyang punong tagapagtanggol ni Heneral Emilio Aguinaldo ay lagi niyang pinangangalagaan ang seguridad ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sinasabing kung nasaan ang Pangulo ay naroon ang bansang pinamumunuan nito. Nang masukol na ng mga Amerikano ang Pampanga ay mabilis na nagpunta si Aguinaldo sa Nueva Ecija patungong Tarlac pagkatapos ay sa Nueva Viscaya. Habang papunta sa Cagayan at sa Isabela, pinagsikapan ni Gregoriong bantayan ang Pasong Tirad sa lalawigang Bulubundukin upang hindi masundan ang Presidente.

   Ang 60 kataong sundalo ni Gregorio ay hindi katapat ng 300 sundalo ni Major March pero nagpakatatag si Gregorio sa pagbabantay sa lagusan. Sa kasamaang palad, isang espiyang Pilipino ang nagturo sa isang makitid na daan. Nakaakyat dito ang mga Amerikanong nakasilip sa kinaroroonan ni Gregorio.

   Sa isang kisapmata ay bumagsak sa hagdanang bato ang malamig na bangkay ng batang-batang sundalo. Sa matapat na pangangalaga sa pinuno, isang bayani ang nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan ng sambayanan.

   Sa animnapung sundalong Pilipino, walo lamang ang nabuhay upang makapag-ulat kay Aguinaldo. Sinasabing ninakaw ng mga puti ang lahat ng kasuotan ng pinatay na Heneral. Salamat kay Tinyente Dennis Quinlan na nakakita sa hubad na bangkay matapos ang ikalawang araw. Pinabihisan niya ito, ipinalibing at pinarangalan sa isang lapida na nagsasaad na si Gregorio del Pilar ay dapat daw tanghalin bilang "Isang Opisyal at Isang Ginoong Dapat na Igalang."

   Ang mortal na katawan ni Heneral Gregorio del Pilar ay nawalan ng buhay noong Disyembre 2, 1899. Sa araw na ito lalong nagningning ang kabayanihan at katapatan ng isang batang-batang Heneral na dati-rati'y tinatawag na Goyo ng kaniyang mga kababayan.











No comments:

Post a Comment