Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere: Kabanata 64 Katapusan

  Magmula nang pumasok sa kumbento si Maria, nanirahan na si Padre Damaso sa Maynila. 'Di nagtagal, siya ay inilipat ng padre provincial sa isang malayong probinsiya. Kinabukasan, siya ay nakitang bangkay sa kaniyang higaan. Sa pagsusuri ng doktor, samâ ng loob o bangungot ang sanhi ng kaniyang ikinamatay.

  Sa kabiláng dako, si Padre Salvi habang hinihintay niya ang pagiging obispo ay nanungkulan pansamantala sa kumbento ng Sta. Clarang pinasukan ni Maria Clara. Kasunod nito ay umalis na rin sa San Diego at nanirahan na sa Maynila.

  Ilang linggo naman bago naging ganap na mongha si Maria, si Kapitán Tiago ay dumanas ng sapin-saping paghihirap ng damdamin, nangayayat nang husto, naging mapag-isip at nawalan ng tiwala sa mga kainuman. Pagkagaling niya sa kumbento, sinabihan niya si Tiya Isabel na umuwi na ito sa Malabon o sa San Diego sapagkat gusto na lámang mabuhay mag-isa. Ang lahat ng mga santo at santang kaniyang pinipintakasi at nalimot na niya. Ang kaniyang inaatupag ay ang paglalaro ng liyempo, sabong at paghitit ng marijuana. Madalas tuwing takipsilim ay makikita siya sa tindahan ng intsik sa Sto. Cristo. Di nagtagal, napabayaan niya ang kaniyang katawan at kabuhayan. Ang kaniyang dáting marangyang tahanan ay mayroong nakasulat sa pintuan na: Fumadero Publico de Anfion. Ganap na siyang nalimot ng mga tao. Wala ni isa mang nakakaalala sa kaniya, siya na isang tanyag at dáting iginagalang.

  Nagdagdag ng mga kulot sa ulo si Donya Victorina upang mapagbuti ang pagbabalatkayo niyang siya’y taga-Andalucia. Siya ngayon ang nangungutsero. Si Don Tiburcio ay hindi na niya pinakikilos. Nagsasalamin na ito. Hindi na rin siya natatawag bílang “doktor” para manggamot. Wala na rin siyang ngipin.

No comments:

Post a Comment