Saturday, October 31, 2020

Noli Me Tangere: Kabanata 48 Hiwaga

  Dumating kinabukasan si Ibarra na gaya ng pagkakabalita ni Lucas sa magkapatid na Tarsilo at Bruno. Ang unang sinadya ng binata ay ang tahanan ni Kapitan Tiago upang ibalita na siya ay hindi escomulgado at dalawin si Maria. May dala siyang sulat mula sa arsobispo na ibinigay nito sa kura at nagsasaad na inaalis na ang excomunion. Tuwang- tuwa si Tiya Isabel, sapagkat boto siya kay Ibarra at ayaw din niyang mapangasawa ng kaniyang pamangkin si Maria ang kastilang si Linares. Tinawag ni Isabel si Maria at pinatuloy si Ibarra.

  Ngunit biglang naumid ang dila ng binata sapagkat nakita niyang kalapit ng kasintahan si Linares na nasa balkon. Nakasandig sa silyon si Maria at may hawak na abaniko. Sa may paanan nito ay nandoroon si Linares na nagkukumpol ng rosas at sampaga. Namulat si Linares ng makita si Ibarra samantalang si Maria ay namula at hinayaang malaglag na lamang ang tangang pamaypay. Sinikap nitong tumayo, pero hinang-hina siya dahil nga sa pagkakasakit. Si Linares ay waring napapatda at hindi makapagsalita.

  Sinabi ni Ibarra sa kasintahan ang dahilan ng kaniyang diipinasabing pagdalaw. Nakatingin lamang sa kaniya si Maria na parang inuunawa ang bawat katagang namutawi sa kaniyang labi. Malungkot si Maria, kaya nakuro ni Ibarra na bukas nalamang siya dadalaw. Tumango ang dalaga. Umalis si Ibarra na ang puso ay ginugutay ng matinding pag-aalinlangan, gulo ang kaniyang isip. Sa paglakad niya, humantong siya sa ipinapagawang paaralan. Binati siya ni Nyor Juan at mangagawang dinatnan niyang abalang gumagawa. Binigyang diin ni Ibarra sa mga dinatnan na wala ng dapat ipangamba sa kaniya ng sinuman sapagkat siya ay hindi na eskomulgado. Pero, tinugon siya ni Nyor Juan na hindi nila pinapansin ang excommunion sapagkat silang lahat ay pawang eskomulgado.

  Nakita ni Ibarra si Elias na kasama ang mga manggagawa. Yumukod si Elias at ipinahiwatig sa pamamagitan ng tingin na mayroon siyang gustong sabihin sa kaniya. Dahil dito, inutusan ni Ibarra si Nyor Juan na kunin at ipakita sa kaniya ang talaan nito ng mga obrero upang kaniyang tignan. Nilapitan ni Ibarra si Elias na nag-iisang nagkakarga ng bato sa isang kariton. Sinabi ni Elias na nais niyang makausap ang binata nang ilang oras. Ipinakiusap nitong mamangka sila sa baybay ng lawa sa bandang hapon upang pag-usapan ang isang napakahalagang bagay. Tumango lamang si Ibarra nang makitang papalapit na sa kanila si Nyor Juan. Si Elias naman ay lumayo na. Nang tignan ng binata ang talaan ng mga obrero, wala ang pangalan ng pilotong si Elias.

No comments:

Post a Comment